Wednesday, August 22, 2012

Ang Guryon


"Ang Guryon"

ni Ildefonso Santos


Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang dulo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.

Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.

Ibigin ma't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob!

Repleksyon: Ako ay labis na humanga sa gumawa ng tulang ito na si Ildefonso Santos.
Hindi lamang pala ito simpleng tula, ito pala'y pagbibigay payo ng ama sa kanyang anak.

No comments:

Post a Comment