Wednesday, August 22, 2012

Dekada 70 (Ikaapat na Bahagi) ni Luwalhati Bautista

Ang kabataan ay mulat sa mga suliraning pampulitika at panlipunan sa bansa ngunit hanggang kailan ang kanilng pakikisangkot. 

NAKALUBOG ako sa mga kaabalahang napasukan ko ng Disyembre ‘on kaugnay ng nakatakdang kasal nina Gani’t Evelyn, pag-alis ni Em, at Paskong hindi ko na maantala ang pagdating, Kasabay nito’y nagtatangka akong mag-make up kay Gani sa pamomoroblema niya kay Evelyn at mag-make up kay Evelyn na pamomoroblema niya kay Gani. Baya’n mo na nga muna ang ibang anak ko, wala naman akong aalahanin sa kanila. Liban sa nawiwiling umalis si Jason dala ang kanyang bike, wala akong problema sa trese anyos kong ito. Nagkakaro’n nga ng mga aksidente sa bisekleta pero hindi sa subdibisyon namin. Safe sa subdibisyon namin. 

At si Bingo? Ayun, do’n na naman siya nagsasaranggola sa bubong nina Lola Asyang. ‘Yan naman ang masama sa isang ‘to, napakahirap pagsabihan! Kabilin-bilinan kong iwasan ang bubong ng may bubong!.. 

“Bingo!” 

“Andiyan na, Mommy!”

Hinatak ni Bingo pababa ang tali ng saranggola niya. Sinundan ko ng tingin ang sinulid papunta sa kakabit na saranggola: hindi ‘yon makulay na triyangulong papel na idinikit sa kawayan at may buntot pa mandin kundi isang kuwadradong pahina ng tila ata diyaryo lang na itinupi sa magkabilang gilid. Kawawa naman ang anak ko, ta-tsati-tsati lang ang saranggola. Pagpunta ko sa supermart, o dapat siguro, obligahin ko si Jules na igawa siya ng guryon. 

Dati namang matiyaga si Jules kay Bingo. Pero lately yata ay lagi siyang may lakad. Pag nasa bahay naman ay nakakulong sa kuwarto. Lagi niyang sinasabi pag sinusundan siya ni Bingo: teka, mamaya na. Marami ‘kong assignment. 

Baka naman sumusobra na’ng mga aralin ni Jules, a! Kung ba’t naman kasi sinabi nang h’wag mag-full load… 

Gumewang-gewang ang saranggola ni Bingo, nawalan ng panimbang, at bumulusok sa harap ko. Sumabit ‘yon sa bakod ni Lola Asyang. Tinakbo ko ‘yon, sinambilat para pawalan, di sinasadyang nasabayan ng hatak ni Bingo, at napilas ‘yon at naiwan sa kamay ko. Nabilad sa mata ko ang pangmukhang mga salita sa manipis na puting papel, isang inimprentang balita pala ng leaflet na may titulong “Ang Bayan”. 

Ang bayan… hindi na ‘ko tanga ngayon. Alam kong official paper ‘yon ng Communist Party of the Philippines. Kinalabutan ako. Kanino ‘to? Sa’n ‘to nakuha ni Bingo? 

Nakababa na si Bingo mula sa bubong ni Lola Asyang. 

“Tapon mo na, Mom! hiyaw niya. “ Sira na yan” dala ang sinulid na pauwi na siya. 

“Bingo!” 

Huminto si Bingo. Takbo ko halos palapit. 

“San mo nakuha ‘to? Kanino to?” 

Nagtaka siya. “Bakit?” 

“Basta! Sa’n mo nakuha ‘to? 

“Sa ‘tin.” 

“Sa’ng lugar sa ‘tin?” 

“Sa kuwarto ni Kuya Jules!” 

Pero kanina ko pa naman talaga alam, na walang panggagalingan ang babasing ‘to kundi si Jules lang! 

Nakaramdam ako ng paglalatang loob, ng matindi pero kauna-unawang pagkagalit ng isang ina. 

NGAYO’Y kaharap ko na, eto lang sa ibabaw ng mesang sulatan ni Jules, ang mga karugtong ng papel na hawak ko, Page 2, sabi sa ulunan ng anim na pahinang papel na pinagkabit lang ng staple wire. 

Binuklat ko ang mga kasamahan pa ng babasain na nasa mesa ni Jules . Liberation, isa pa ring newsletter. Photocopy ng ilang pahina ng Southeast Asia Chronicle. Kinopyang pahina ng Newsweek. Pawang may laman na titulo pa lang ay halata mo nang tumutuligsa sa batas militar, pumupuna sa ilang personahe ng gobyernong Pilipino, o tumatalakay sa pagkakatatag ng tinatawag nilang National Democratic Movement. 

Ano ang ibig sabihin, may mga kopya nito sa pag-iingat ni Jules? “Come on, Amanda”; sabi ko sa sarili. Walang masama diyan, kung sa Newsweek ay t’yak na babasahing nagkalat lang sa downtown. Kung Southeast Asia Chronicle ay paniguradong nakapasok lang dito dahil may permiso ng gobyerno. 

Pero, Ang Bayan? Hindi yata ako naniniwalang legal ‘to. 

Malay mo, baka naman pinapayagan na rin ‘tong gobyerno para pasinungalingan ang bintang na wala na tayong press freedom. 

H’wag kang tanga. Alam mong hindi basta magkaroon niyan si Jules! 

Kinakabahan talaga ‘ko. Baka may iba na namang ginagawa si Jules. 

Kakausapin ko siya. 

Pero makikinig ba naman sa ‘kin yon? 

Dapat, ‘yong ama niya’ng kumakausap sa kanya. 

Pero hindi mahilig si Julian sa mga usapang pampulitika. Kung engineering pa sana ‘yon! 

Kahit na. Basta kailangang kausapin niya si Jules! 

Pero sabi ni Julian, “Loko talaga ‘yang anak mong ‘yan, e” 

“Yan lang ba’ng sasabihin mo, loko ‘yong anak ko?” 

Huminga nang malalim si Julian. “Nagbabasa lang naman ang anak mo, ano’ng masama ro’n? Estudyante ‘yong bata, gustong matuto. Pero so far, nananahimik na’ng mga estudyante, di ba? Wala nang mga rally-rally. Pagsasabihan ko’ng anak mo pag may dapat na ‘kong sabihin!” 

“Julian …” 

“Amanda, if you don’t mind … I’ve got work to do! Meaning, tapos na’ng usapan namin. 

Pero di pa rin ako mapakali. At ipinasiya kong kahit ako, kakausapin ko si Jules. 

Pero kailangan, alam ko’ng sasabihin ko sa kanya. Kailangan, matiyak ko muna na subersibo nga ang mga babasahing ‘to. 

Kailangan, basahin ko muna ‘to. 

“Hindi ang mga miyembro ng oil producing and exporting countries ang nagtatakda ng sobrang pagtaas ng presyo ng langis kundi ang mga oil companies na karamihay pag-aari ng Amerika. 

Nangunot ang noo ko. Teka, ano ang subersibo rito? 

“Kung ang isang bariles ng langis ay halagang sampung dolyar bago nag-1973, ang isang $1 ay napupunta sa bansang nagluluwas ng langis at samantalang ang $9 ay pinaghahatian ng mga langis at gobyerno ng kanya-kanyang bansa. 

Hindi ko na pinag-iisipan kung ganon nga ba ‘yon. 

Titulo: “Nalulugi Nga Ba ang mga Kompanya ng Langis?” 

“Nangunguna ang Exxon sa mga industrial empires sa Estados Unidos. 

“Ang Exxon, Gulf Oil at Mobil ay lagi nang nasa top 10 earners ayon sa Fortune Magazine, simula no’ng 1955. 

“Nangunguna ang mga kompanya ng langis sa top 500 companies sa Estados Unidos.

Listahan ng mga tubo ng mga kompanya ng langis na pag-aari ng America, umaabot sa isang bilyong dolyar isang taon? 

Ang tala sa ibaba ay ilan lang sa listahan ng mga empresang may dayuhang kapital (mula sa iba pang newsletter);

San Miguel Corp – Major Investors: Soriano, USA 

Pepsi-Cola – Pepsi Cola International, USA 

Carnation, Phil – Carnation, USA 

Kraft Foods, Inc. – Kraft, USA 

Purefoods Corp – Hormel International, USA 

Ilan lang ‘yon. May kasanod pa ‘yon. 

Sila ang tinatawag na mga multinational companies sa Pilipinas.

“Nagpapasok sila rito ng maliit na kapital at nangungutang ng bilyun-bilyong piso sa mga banko sa Pilipinas para makapagtayo ng negosyo rito. Dito rin nila ibenenta ang kanilang produkto pero ang daan-daang milyong piso na tinutubo ng kanilang mga kompanya ay inuuwi nila pagkatapos sa kanilang mga bansa. 

Nag-isip ako. Hindi yata tama ‘yon, ano?

Uutangin nila ang pera natin, pagtutubuan sa atin, sa ilalabas ng bansa natin. Maghihirap nga tayo pag ganito nang ganito. 

O baka naman ito na ang sinasabi ng mga aktibista na paghahakot ng Amerika sa kabuhayang-bansa ng Pilipinas? 

Walang subersibo dito. Bakit magiging subersibo ang katotohanan? 

Anu’t anuman, ang ibang artikulo ay kinabasahan ko na ng salitang one-man rule, puppetry, at dictorship. Ng NPA at rebolusyon. Sa ilalim ng batas militar huhulihin ka na niyan. 

GABI na’y naro’n pa rin ako sa sala at naghihintay sa pagdating ni Jules, sa lugar na bahagya nang maabot ng ilaw sa komedor na siya kong iniwang bukas. Hindi sa ano pa mang pandramatikong epekto kaya pinatay ko ang ilaw sa sala. 

“Nasisilaw lang ako sa pagkakahiga.”

“Ba’t diyan ka nakahiga?” usisa sa ‘kin ni Julian nang madaanan niya ‘ko. 

“Hinihintay ko si Jules.” 

“Darating din ‘yon” 

Nagkibit lang siya ng balikat at pumasok na sa kuwarto. 

Narinig ko ang maingat na pagbukas ng pinto kasunod ng klik ng susian. 

“Ikaw na ba ‘yan, Jules? 

“Hintakot ang sagot. “Bingo, Mom.” 

Napabalikwas ako. “Bingo, ano pang ginagawa mo sa labas?” 

“Narito na po ako sa loob.” 

“Akyat na, sulong! At may dala ka pa manding susi!” 

Dali-daling umakyat na nga si Bingo. 

Pumalo ang pendulum ng relo. Labing isang ulit. Alas-onse na. Sus, mam’ya lang ay curfew na. Baka naman itong si Jules e hindi na naman uuwi! 

Ilang ulit na niyang ginagawa ‘yong hindi pag-uwi. Tatawag na lang siya sa telepono. Mom, aabutan na ko ng curfew. Dito na ‘ko matutulog kina Danny.” O Luis. Minsa’y Tasyo. 


Hindi ko nga pala naitatanong kung sinu-sino ang mga ‘yon. Bigla’y naisip ko kasunod nito: Oo nga pala, ba’t ni Minsa’y wala siyang sinasabi na do’n naman siya matutulog kina Willy? ‘Yon ang dating best friend niya, a! Nagkadip’rensiyahan kaya sila ni Willy? 

Klik ang susian. Bumukas naman ang pinto. 

“Jules?” 

Sagot: “Mom?”

Nakahinga ‘ko nang maluwag. “Ginagabi ka.” 

Wala nang sagot. Ni hindi niya binuksan ang ilaw. Nagtaka ‘ko na hindi man lang siya nagbukas ng ilaw. Dumeretso siya sa silid. Nakapasok na siya sa silid bago man lamang ako nakapagtanong kung kumain na siya. 

Nagtaka si Jules. Hindi man, hindi ko naman uumpisahan agad ang pagkausap sa kanya. Itatanong ko lang kung kumain na siya. Ipaghahain ko siya, uupo ako sa harap niya habang kumakain siya. Kakausapin ko muna siya tungkol sa ibang mga bagay. 

Kinatok ko ang pinto niyang nakalapat na agad. Pinihit ko pabukas ang seradura. 

“Jules?” 

Nakaupo siya sa gilid ng kama at nakayupyop ang mukha sa palad. Malungkot ang anyo ng nakalaylay na balikat niya. Nalulon sa tabi niya ang isang tabloid. 

Napapagod siya, pasiya ko. Pasiya ko baka wala siya sa mood na makipag-usap. Saglit na nag-alaala ‘ko na baka wala ako sa timing.

Inabot ko ang tabloid. Binuksan. Hindi ito diyaryong Maynila, a Local paper ‘yon ng isang malayong komunidad. 

Headline: NPA, NAPATAY SA ENGKUWENTRO

Binalingan ko si Jules. “Napapa’no ka? Masakit ba’ng ulo mo?” 

Humikbi siya bilang sagot. 

Binitiwan ko nang tuluyan ang tabloid. Hinarap ko na siyang tuluyan. “Jules?” 

Nag-angat na siya ng mukha. Makirot at luhaan ang batang mukha ng aking si Jules! 


“Bakit?” alalang-alala usisa ko.” Ang’ng nangyari sa ‘yo?” 

Umiling siya at nagtangkang makailag. Kinagat niya ng mariin ang labi para pigilan ang isa pang hikbi. Pero hindi na nakapagsinungaling ang latay ng hapdi sa mata niya. Kumibot ang labi niya, Naginginig, at sa katal na boses, sinabi niya ang totoo. 

“P-pinatay nila si Willy, Mom! Patay na si Willy!” sabay sabog ng iyak. Pahagulgol. Nakalulunos. Parang bata. 

Niyakap ko si Jules. Hindi ko alam kung sinong ang tinutukoy niya, ang naiintindihan ko lang ay patay na si Willy … Si Willy na biglang naalala ko kanina lang… na kaibigan niya, matalik at minsa’y mas kapatid pa kung ituring kaysa kay Gani… pinatay!


Pinagkunan: http://aileendcasas.blogspot.com/2010/09/dekada-70.html

Kahapon Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino


MGA TAUHAN


INANGBAYAN (PILIPINAS)

DILAT NA BULAG (ESPANYA)

BAGONGSIBOL (AMERIKA)

MASUNURIN (BABAING PILIPINA) 

TAGAILOG(ANG KATAGALUGAN)

MATANGLAWIN (GOBYERNO NG KASTILA)

MALAYNATIN (GOBYERNONG AMERIKANO)

ASALHAYOP (MAPAGLILONG TAGALOG)

DAHUMPALAY(MAPAGLILONG TAGALOG)

HARINGBATA (HARING INTSIK)

HALIMAW (PRAYLE)

WALANG TUTOL (LALAKING PILIPINO)


Mga taong bayan, mga Hukbong Tagalog, mga Hukbong Intsik, Kapisanan ng Cruz Rojang babae, mga kawal na rebulosyonaryo, mga batang lalaki’t babae, bandang musika ng Hukbong Tagalog, mga Kaluluwa ng nangamatay sa labanan, ang Haring Kamatayan, Rehimiyento ng Artiller, Infanteria at Ingeniena.


BAHAGI I


(Isang bakurang may sagingan at iba pang halaman sa tabi. Sa gitna ay isang balag.) 


LABAS I


(Asalhayop at mga taong bayan. Nangakahanay ang babae sa kanan at ang mga lalaki naman sa kaliwa. Nanga-taas ang kanang kamay nilang lahat, na tumatangan sa kopang ginto. Masasaya ang anyo nila.)


(Asalhayop, Masunurin, Walang tutol, mga taong bayan.)


Walangtutol : Mag-inuman, magsayawan.

Masunurin : Si Asalhayop ay ipagdiwang.

Koro : Ipagdiwang.

1.o : Mapala ang kanyang buhay.

1.a : At lumawig habang araw.

2.o : Habang araw.

Walangtutol : Dangal niya’y huwag dadalawin ng siphayo’y ng hilahil.

2.a : Huwag dadalawin.

3.a : Dangal niya’y magluningning sa ligayang sasapitin.

Koro : Magluningning.

Masunurin : Madlang puri, madlang biyaya sa kaniya’y sumagana.

Koro : Sumagana.

3.a : Madlang yaman, madlang tuwa sa kaniya’y lumawig nawa.

Koro : Lumawig nawa. 

Asalhayop : Katoto’t giliw, mga kaibigan, sa inyo’y salamat nang habang buhay.

Ang inyong nais na tungkol sa akin ay aking biyaya sa sasapitin.

Kayo ang dangal ko, at kayong tunay ang tanging suhay sa aking buhay.

(Lalapitang isa-isa ni Asal. Ang mga Koro at ipipingki sa kani-kanilang kopa ang kanyang hawak.)

Mag-inuman, magsayawan, mag-awitan, limutin ang kalumbayan.


Koro : Mag-inuman.


(Anyong iinumin ng lahat ang laman ng kani-kanilang kopa.

Biglang lalabas si Ina, at si Tag. Magugulat ang mga dadatnan.Titigan sila ng kagulat-gulat ni Ina.)


LABAS 2


(Sila rin, Inangbayan, Tagalog) 


Inangbayan : Mga walang loob,

mga walang damdam,

bago’y nagluluksa

ang kawawang bayan.


Mga walang puso,

mga walang dangal,

nahan ang pangakong

kayo ay dadamay

sa mga pumanaw?

(Tatawa nang malakas si Asal at ituturo si Ina.)

Inangbayan : Asalhayop!

Asalhayop : Masdan ninyo si Inangbayan,

Ang buwisit at manggagaway.

(Magtatawanan ang koro.)

Humayo ka, Inangbayan,

Huwag sabihin ang patay.

(Magtatawanan ang koro.)


Koro : Mag-inuman.

(Anyong iinumin ang laman ng mga kopa.)


Inangbayan : Huwag!

Huwag ninyong lagukin, huwag ninyong mainom ang

hinahawakang alak na may lason.

(Magtatawanan ang koro.)

Ang inyong kaluluwa ay malilinggatong, kayo’y isusumpa ng 

mga pahanon.

(Magtatawanan ang koro.)

Mainit pang tunay sa mga buruhan ang bangkay ng inyong nuno at magulang.

(Magtatawanan ang koro.)

Hayo at mag-isip ng tinutunguhan, hayo at bakahin ang mga 

kaaway. 

(Mahabang tawanan nila Asal at ng Koro.)


Koro : Magsayawan.

(Iinumin ni Asal, at ng Koro ang laman ng mga kopa. Tititigan sila nang kagulat-gulat ni Ina.)


Inangbayan : Mga walang kaluluwa! Ang inyong mga kasayahan ngayon ay pagdustang tunay sa libingan ng ating marangal na lipi. Ano? Hindi baga ninyo nararamdaman sa ibutod ng inyong mga puso ang lamig ng kamatayan ng bayan? Hindi baga kayo nangahihiya sa sarili, ngayong kayo nangagsasayahan sa ilalim ng talampakan ni Haringbata ang magiging anak ni Hingiskang?


Asalhayop : Mahusay manalumpati ang ating ina, ang mangangaway.


Inangbayan : Asalhayop!


Asalhayop : Bigyan ako ng kaunting alak.


Koro : Kami man.


Inangbayan : Ako man.


Asalhayop : Kita ninyo? Kita ninyo’y huminging kusa, pagkakitang hindi natin siya alintanahin?

Magaling na talaga si aling inangbayan.



Asalhayop : (Kay ina) Heto ang alak na alay ko sa iyo. (Bibigyan siya ng isang kopa.) Mag-inuman!

(Itataas ni Asal at Koro ang kanilang mga kopa.)



Walangtutol : Mabuhay si Asalhayop!



Koro : Mabuhay!


Inangbayan : Sumpain nawa ni Bathala ang hindi magsisi sa paglapastangan sa araw na ito! Ito ngang tunay na araw ng kamatayan ng mga tagapagtanggol ng bayan. Ito ang araw ng pagkalugso ng ating kahambal-hambal sa Balintawak. Sumpain nawa ni Bathala ang hindi magsisi!Taos sa puso ko yaring sumpa, at sa katunayan ay… ayan!

(Ipupukol sa lupa ang kopang hawak)


Asalhayop : Inangbayan!


Koro : (Biglang lalapitan ni Asal at tatampalin. Si Ina, ay mabubuwal, kasabay ng pagtawa ng Koro.)



Asalhayop : Manggagaway!

(Kasabay ng tampal at tawanan. Kasabay ng pagsakal sa kanya at pagtindig ni Ina.)


Walangtutol : Huwag! Bitiwan mo. Asalhayop.

(Bibitiwan.)

Inangbayan : Asalhayop, paglapastangan mo sa akin ay nahulog sa Apo, sa kamay ni Mandagaran, ang taksil mong kaluluwa. At kayong mga nakianib sa kanya, kayong mga anak kong pinakamamahal, ay nangahawa na mandin sa kanyang sawing palad. Dinudusta ninyo sa libingan ang dangal ng inyong mga nuno.


Ah! Hindi ko inakala kailan pa man, na kayo’y hindi ko maihahalubilo sa mga angkang nagkalat dito sa Dulong-Silangan.


Mga anak ko, mga bunsong pinakaiibig, kayo’y nangaliligaw. Panumbalikin ninyo ang inyong mga loob, pagsisihan ninyo ang paglapastangan sa akin at sa dakilang araw ng pagkalugso ng bayan. Kapag nilimot ninyo ang araw na ito ay lilimutin din ninyo ang libingang luksa ng inyong mga magulang.


Kayo’y nangabulag na lubos. Buksan ninyo ang inyong mga mata.


(Biglang itataas ang tabing. Lilitaw ang mga libingang may mga pangalang sulat sa panahong una at may mga sabit na luksa at sari-saring putong.)


Ayan at tanawin ninyo sila!


(Mangagluluhuran si Tag at Koro at mangangahulog sa kanilang kamay ang mga kopoang hawak, tanging hindi lamang si Asal at tatalikdan ang mga nasabing libingan.)


Sa mga libingang iyan ay nalalagak ang mga buto nila Gat-Salian, Bituin at laksa-laksang iba pang bayaning kawal ng bayan.


Oh! Yayamang nilapastangan ninyo ang araw na ito at ang mga libingang iyan; yayamang dinudusta ninyo ang daklilang pangalan ng inyong mga nuno; yayamang inilublob ninyo sa pusali ng kapalamarahan ang banal na kasulatan ng ating maharlikang lipi, ay ipagpatuloy na ninyo ang inyong baliw na kasayahan, 3 colors ipagpatuloy na ninyo, mga bunsong ginigiliw, nguni’t pakiusap ko lamang, na doon sa ibabaw nila, sa ibabaw ng mga libingang iyan, ay doon kayo mag-inuman ng alak, doon kayo magsayawan at mag-awitan, doon ninyo sambilatin at yurakan iyang mga laksang sabit, doon ninyo huwag tugutang libakin ang inyong sariling dangal.


(Tatangis at marahang lalakad na tungo sa mga libingan.)

Mga bunsong pinakamamahal! Paalam ako sa inyo! Paalam ako sa inyo!


(Mahuhulog na muli ang dating tabing.)


LABAS 3

(Sila rin, wala lamang si Inangbayan)

Tagailog : Mga kapatid ko!… Oh! Ano’t kayo’y nangalulumbay? Dahil baga sa pag-aalala ninyo sa nalugsong buhay ng bayan sa araw na ito? Ah, tunay nga! Sapul noon hangga ngayon ay dalawampung taon nang singkad,dalawampung taong pagkakaalipin. Nguni’t huwag. Ngayo’y nahahanda nang lahat kapag kayo’y umayos sa aking mga panukala…


Koro : Magsabi ka!


Tagailog : Ibig baga ninyong bawiin sa kamay ng kaaway itong bayang sinamsam nila sa kamay ng ating mga magulang?


Koro : Ngayon din.


Tagailog : Tayo na’t magsandatang lahat.


Koro : Tayo na.


(Aalis na lahat, matitira si Asal.)


LABAS 4

(Asalhayop) 


(Tatanawin ang mga nagsisialis)

Asalhayop : Mga mangmang!


Ang mga taong ito ay may mga walang pinag-aralan. Mabuti pa ang aso, mabuti pa ang kalabaw, mabuti pa ang hayop kaysa sa kanila, sapagkat ang mga hayop ay nabubuhay at marurunong magsipamuhay, nguni’t ang mga taong ito ay hindi. 


Nangatatahimik ang aming mga magulang. At ano? kung ipaghiganti ko baga sila ay mangabubuhay pa kayang muli? Babawiin daw ang kalayaan ng bayan. At bakit pa? Mabuti ang may salaping alipin kaysa mahirap na laya. Mga hangal!


(Magkukuro) Mabuti nga.


Hahanapin ko ang mga Intsik, hahanapin ko si Haringbata at aking sasabihin sa kanya ang lahat ng nangyari. Salapi na naman ito!


(Anyong aalis. Lalabas si Haringbata.)


LABAS 5

(Asalhayop, Haringbata, mamaya’y Inangbayan)

Haringbata : Asalhayop.


Asalhayop : Ako po’y sumasayapak mo, dakila’t marangal na Haringbata.


Haringbata : Salamat.

(Lalabas si Ina, at manunubok sa tabi ng tabing. Hindi siya makikita ng dalawa.)


Asalhayop : Ako po sana ay talagang paparoon sa inyong bahay at may nasang sabihing malaking bagay.


Haringbata : Ano yaon?


Asalhayop : Si Tagailog at lahat niyang kasama, na pawang kapatid niya’t kapatid ko rin ay kaaalis din po dito ngayon. Mangagsasakbat ng sandata at kayo po ay babakahin.


Inangbayan : (Mapaglilo!)


Haringbata : Tunay?


Asalhayop : Tunay po.


Haringbata : At bakit daw?


Asalhayop : Ibig daw po nilang mabawi ang kanilang kalayaan.


Haringbata : Mga masiging! At saan nangaroon?


Asalhayop : Ewan po, hahanapin ko sila at pakikialaman ko ang kanilang lihim, upang di maipagbigay alam ko sa inyo at mangahulog sa inyong kamay.


Inangbayan : (Buhong!)


Haringbata : Salamat. Talasan mo ang iyong mga tainga’t mata. Heto ang salapi mong bayad.

(Bibigyan ng salapi)


At kung mangahulog na sila sa ilalim ng aking kapangyarihan ay dadagdagan ko pa iyan, at bibigyan kita ng katungkulang mataas.


Asalhayop : Salamat po.


Haringbata : Hihintayin kita ngayong gabi sa aking bahay, at ipagbigay alam mo sa akin ang lahat nilang panukala. Heto ang tandang ilalahad mo sa taliba upang di ikaw ay papasukin.


(Bibigyan siya ng isang tsapang tanso at aalis.)


Asalhayop : Asahan po ninyo.


(Titingnan ang salapi.)


Heto ang salapi ko, heto ang tunay na Ina kong bayan, ang tunay na Bathala. At madaragdagan pa; at matataas pa ang aking katungkulan.

Sayang palad!


Inangbayan : ( Walang puri! )


LABAS 6


(Sila rin, Tagailog)


Asalhayop : Tagailog, hinahanap kita.


Tagailog : Ako’y gayon din, kita’y aking hinahanap.


Asalhayop : Sasalakayin baga natin si Haringbata?


Tagailog : Oo, bukas. Humanda ka’t ikaw ay kasama.


Asalhayop : Papaano ang paraang gagawin natin?


Tagailog : Ako’y magdadala kunwari ng buwis.


Asalhayop : Mahusay. At saan tayo dadaan?


Tagailog : Sa tabing-dagat ang kalahati, at ang kalahati naman ay sa Diliman. Heto na’t nagdadatingan ang ating mga bayaning kawal, kasama ang mga babaeng tagapagsiyasat ng sugatan.


LABAS 7

(Sila rin, Walangtutol, Masunurin, Korong lalaki at babae. Ang mga lalaki ay pawang sandatahan.)


Walangtutol : Tagailog, narito na kami.


Tagailog : Hintayin natin ang mga ibang kasama.


Asalhayop : Ako’y kasama ninyo, nguni’t ako’y uuwi pa muna sandali.


Tagailog : Hihintayin ka namin dito, at dito tayo magbubuhat sa pagsasalakay kay Haringbata.


Asalhayop : Asahan ninyong ako’y darating. Asahan ninyong kung saan kayo mamatay ay doon din ako magpapakamatay. Paalam.


(Anyong aalis.)


Koro : Mabuhay si Asalhayop.


Inangbayan : (Kay Asal.) Hintay! Tagailog, huwag mong paalisin si Asalhayop.


Asalhayop : Ako?


Inangbayan : Ikaw.

Lahat : At bakit?

Inangbayan : Ako’y may itatanong sa kanya dito sa harapan.


Masunurin : Ano kaya?


Koro : Ano kaya?


Inangbayan : Asalhayop, wala ka bagang taglay na salapi ngayon?


Asalhayop : Wala.


Inangbayan : Dinggin ninyo? Wala raw. At wala ka bagang taglay na kahit anong tanso sa katawan?


Asalhayop : Salupikang mangkukulam! Ano’t itinatanong mo?


Inangbayan : Wala ka bagang taglay na kahit anong tanso sa katawan?

Sumagot ka.


Lahat : Sumagot ka.


Asalhayop : Wala. Anhin ko ang tanso?

Inangbayan : Dinggin ninyo? Wala raw siyang taglay na salapi, at wala rin namang taglay na kahit anong tanso.

(Tatawa nang malakas si Ina.)

Asalhayop : Ngitngit ni Bathala! Ano’t nagtatawa ka?


Inangbayan : Dakpin ninyo at ipinagbili tayong lahat kay Haringbata.


Lahat : Oh! 

Asalhayop : Ako?

Inangbayan : Ikaw.

Asalhayop : Sinungaling si Inangbayan. Sinasabi kong sinungaling si Inangbayan.

Inangbayan : Mga bunso, siyasatin ninyo ang katawan ni Asalhayop, at may taglay na salapi, at may taglay na tanso.


Tagailog : (Sa Koro) Siyasatin ninyo.


Asalhayop : Hindi ako pasisiyasat.



Tagailog : Dakpin ninyo.

(Tatanganan si Asal ng mga sandatahan ng mga babae ang kanyang katawan. Makukunan sa bulsa ng salapi at isang tsapang tanso.)

Masunurin : Tunay nga!


Lahat : Tunay nga!


Tagailog : Ano’t ipinagkaila mo ang iyong taglay?


Asalhayop : Ako’y… sapagkat… Datapwat…


(Tatawa nang malakas si Ina.)

Inangbayan : Yayamang hindi niya matutuhang turan ay aakuin ko na siya at ako na ang magsasabi.

Asalhayop : Inangbayan! Mahabag ka!


Tagailog : Sabihin mo, Inangbayan.

Lahat : Sabihin mo.

Asalhayop : Inangbayan!

Inangbayan : Ang salaping iyan ay siyang pinagbilhan ng nilako niyang buhay ng bayan kay Haringbata.

Lahat : Oh!

Inangbayan : At ang tansong iyan ay siyang ilalahad sa mga taliba ng kaaway, upang siya’y papasukin at maisiwalat ang ating lahat ng lihim.

Asalhayop : Sumpa ng Apo! Ngitngit ni Mandagaran!

Inangbayan : Pagmasdan ninyo ang tanso at may tatak marahil ni Haringbata.

(Pagmamasdan ng lahat ang tanso)

Masunurin : Tunay nga.

Koro : Tunay nga.

Walangtutol : Kay Haringbatang tatak.

Tagailog : Asalhayop!

Asalhayop : Patawad!

Inangbayan : Ngayon at inyo nang nakilala kung sino nga si Asalhayop, ay paalam na ako sa inyo.

(Tuloy aalis. Anyong hahabulin ng lahat.)

Lahat : Inangbayan?


LABAS 8

(Sila rin, wala lamang si Inangbayan) 

Tagailog : (Kay Asal) Oh! Walang pusong kapatid! Walang dangal! Sa mga ugat mo ay tumatakbo ang maruming dugo ni Lakasalian, yaong taksil na nagpagapos ng leeg ng ating kawawang Inangbayan, kay Hangiskang na ama ng suwail na Haringbata.

Pagmasdan ninyo’t kumikislap sa kaniyang mga mata ang alipato ng kanyang paglililo.

Bayang Tagalog, tandaan ninyo yaring hatol.

Dapat mahalin ang ating mga kapatid, ang ating mga magulang, ang ating sariling buhay, nguni’t lalo pa nating dapat mahalin ang dangal ng ating kahambal-hambal na Inangbayan.

(Sandaling palipas) Kaya nga, ang sino pa mang maglilo sa kanya, kapatid man natin o magulang kaya, ay huwag pagpitaganan; takpan ang mata ng awa at idalhag siya sa bangin ng lalong dustang kamatayan, at idagan sa kanyang ulo ang matinding sumpa ng ating pagkakapaalipin.

(Sandaling palipas) Bayang Tagalog, kung sakaling mawalan man tayo ng hiya sa mukha nating bantad, at pabayaan nating makatkat sa ating noo ang limbag ng puri, manang katutubo ng ating mga kaluluwa, ay magkaroon man lamang tayong kaunting tapang sa pagkitil ng sariling buhay. Ibuhos natin ang ating dugo,lamurayin natin ang ating laman, iwalat natin ang ating mga buto, huwag na lamang kumalat-kalat sa lansangan ang mabusilak na dangal ng liping Tagalog, huwag na lamang tayo ring ito ang maglublog sa putik ng lagim, ng kagalang-galang na mukhang tumatangis ng ating kahabag-habag na Inangbayan.

(Sandaling palipas) Bayang Tagalog, si Asalhayop ay nagtaksil. Sunugin siyang buhay.

Koro : Patawad!

Tagailog : Bayang Tagalog, kung malaki ang pagmamahal mo kay Asalhayop, ako naman ay lalo pa, nguni’t lalo pang malaki ang pagmamahal ko sa ating Inangbayan. Inilako ni Asalhayop si Inangbayan kay Haringbata, kaya dapat siyang mamatay, sapagkat dapat na lipulin ang lahat ng halamang lasong tumubo at umusbong sa lupang Tagalog.

(Sandaling palipas)

Sunugin s’ya ng Buhay.


Koro : Patawad!

Tagailog : Bayang Tagalog, bayang pinakamamahal kong lubha, wala sino pa mang makasasalag sa madaling hampas niyaring hatol. Ibig ko pang ako’y mamatay, huwag na lamang ipahutok ang katuwiran. Kaya nga, sinumang may nais na humingi ng patawad na naitong suwail, ay patayin na muna ako, saksakin na muna yaring dibdib. Alin sa dalawa: mabuhay ang kataksilan at ako ang mamatay ang kataksilan 

(Sandaling palipas)

Sunugin siyang buhay.

Koro : Patawad!

Koro : Oh! Bayang Tagalog! Bayan ng marangal nan liping Tagalog, huwag mong ihingi ng patawad ang nagtaksil sa dakilang dangal ng ating mga kasulatan.

(Bubunutin ang kanyang sundang.) 

At yayamang ayaw ako ilugso ng mga nagtatanggol sa kanya, ako ang maglulugso sa mga sasago’t sasanla sa aking matatag na hatol. Iwawalat ko ang dibdib ng balang kumibo, hahalukayin ko ang puso ng balang magsigaw ng wikang “Patawad”.

(Itataas ang kanyang sundang. Mapapaurong ang lahat.)


Tagailog : Hukbong Tagalog, lahi ng katapangan, mga anak sa digma, tulinan ninyo.


Napaparam ang ulap ng sakim, sumisilay ang araw ng kalayaan: (Tuloy pasok)


LABAS 9

(Masunurin, Korong Babae) 


Masunurin : Laban kayo, mga kawal, at bawiin itong bayan.


1.a : Sandali pa’y ating tunay na tagumpay.


Koro : Ang tagumpay.


Masunurin : Nagkaabot ang hukbo at nagkahalubilo.


2.a : Laban kayo, laban kayo, ang kalaba’y…


Koro : Tumatakbo.


Masunurin : Hayo’t abuluyan ang mga sugatan.


Koro : Abuluyan.


LABAS 10


(Maglalabasan ang mga kawal na Intsik, karamiha’y sugatan at nagabubuwal.)


Masunurin : Huwag bayaan , ito’y ating katungkulan.


LABAS 11

(Sila rin, Haringbata, Inangbayan, mamamaya’y si Tagailog. Kaladkad ni Haringbata si Inangbayan.)

Haringbata : Papatayin kita.

Koro : Si Inangbayan.

(Lalabas si Tagailog)

Tagailog : Haringbata!

(Sabay saksak. Mabubuwal si Haringbata.)

Haringbata : Mamamatay ako!


Koro : Patay si Haringbata!


LABAS 12

(Sila rin, kawal na Tagalog)

Tagailog : Ating-ating ang tagumpay. Atin ang ating katuwiran.


Inangbayan : Mabuhay si Tagailog.


Koro : Mabuhay!


Tagailog : Mabuhay si Inangbayan!


Koro : Mabuhay!


Inangbayan : Mabuhay ang ating kawal!


Koro : Mabuhay!

Tagailog : Mabuhay ang ating lipi sa lilim ng kalayaan!


Koro : Mabuhay!


Inangbayan : (Tatanaw sa kanan.) Sino ang mga dumarating?


Tagailog : Sino kaya?


Koro : Sino kaya?


(Tutugtugin ang Marcha Red EspaƱola at lalabas si Dilat-na-bulag at Matanglawin.)


LABAS 13

(Sila rin, Dilat-na- bulag,Matanglawin.)

Inangbayan : Sino kayo?

Dilat-na-bulag: Ako’y si Dilat-na-bulag.


Matanglawin : Ako’y si Matanglawin.


Tagailog : Kalaban ba kayo?


Dilat-na-bulag: Kami ay kaibigan.


Inangbayan : Ano ang inyong nais?


Matanglawin : Ang kayo’y iligtas sa pagkapanganyaya


Tagailog : May sakuna baga?

Dilat-na-bulag: Mayroon.

Matanglawin : Tanawin ninyo sa dakong kanan ang tila wari nagdidilim na langgam na paparito, at yao’y mga kawal na babaka sa inyong bayan.


Inangbayan : At sino nga sila?

Dilat-na-bulag: Mga kapatid din ninyo.

Tagailog : (Sumpa ng langit!)


Koro : Sumpa ng langit!

Matanglawin : Tanawin naman ninyo sa dakong kaliwa ang lalo pang makapal. Babakahin kayo.


Inangbayan : At sino naman ang mga iyon?



Dilat-na-bulag: Inyo ring mga kapatid.

Tagailog : Sumpa ni Bathala!

Koro : Sumpa ni Bathala!


Matanglawin : Tanawin ninyo sa dakong yaon ang maraming kawal na mapuputi. Yaon ay aming hukbo. Tanawin ninyo sa dagat ang mga sasakyang pambaka. Ang lahat na iyan ay amin. At kung kayo ay kakapatid sa amin, ang aming ari, ang aming hukbo, ang aming mga sasakyan at ang aming mga puso at kaluluwa, ay inyo ring lahat. Ipagtatanggol namin kayo sa lahat ng ligalig at pagkapaalipin.


Inangbayan : Tapat baga ang inyong pakikipagkapatid sa amin?


Dilat-na-bulag: Tapat.


Tagailog : Hindi ninyo bibigyang ligalig ang kalayaan ng aming mga anak?

Matanglawin : Hindi.


Inangbayan : Matatalaan ninyo ang gayon?


Dilat-na-bulag: Oo.


Inangbayan : Bayang Tagalog, narinig ninyong lahat. Sumagot kayo.


Koro : Kami ay pumapayag.


Matanglawin : (Kay Tagailog.) Talaan mo ito.

(Bibigyan ng pergamino, tatala si Tagailog.)


Tagailog : Ayan. At ikaw?


Matanglawin : Tatalaan ko ito. (Tatala rin sa isang pergamino.) Ayan.


Inangbayan : Ngayon, ang sumpaan.


Dilat-na-bulag: Ang sumpaan.


Lahat : Ang sumpaan.


(Isasaksak si Tagailog at Matanglawin ang kani-kanilang sundang sa bisig sa kaliwa, sasahurin sa isang sarong ginto ni Ina ang dugo ni Tagailog at si Dilat-na-bulag naman ang kay Matanglawin.)


Dilat-na-bulag: (Kay Tagailog) Inumin mo ito.


Inangbayan : (Kay Matanglawin) Inumin mo ito.

(Tatanggapin nila Tagailog at Matanglawin ang mga sarong ginto.)


Tagailog : Sa sarong gintong iyong tangan ay nalalamang totoo ang dalisay na dugo ko dugong tunay ng bayan ko.


Matanglawin : Sa sarong gintong iyong tangan ay tunay na nalalaman yaring duro kong dalisay na dugo ng aking bayan.


Lahat : Inumin ninyo.


Dilat-na-bulag: (Hahawakan ang kamay ni Ina.)

Ang kamay kong iyong tangan 

ay kamay ng aking bayan,

kung di mo pagsisiluhan,

ang dito’y pinagsumpaan,

kamay na ito’y mag-aalay

sa iyo ng biyayang tunay.


Nguni’t kung lalapastangan,

kamay na ito ay tatangan

ng sundang na kamandagan,

ang puso mo’y tatarakan.


Inangbayan : Sa dibdib ko’y masisilip

ang dalisay kong pag-ibig,

ang kaluluwa kong malinis,

ang mga banal kong nais

na sa atin ay bibigkis,

ang puso ta’y nang magkatalik.


Nguni’t kung magbabalawis

sa ating pagkakapatid,

pag-ibig ko’y magngingitngit

at sa iyo’y siyang tutugis.


Koro : Kami naman ay gayon din.


Tagailog : Ang magtapat ay mabuhay.

Koro : Mabuhay.


Matanglawin : Ang magtaksil ay mamatay.


Koro : Mamatay.


Inangbayan : Ang dugong iya’y maging lunas sa puso ng kung sinumang magtatapat. Datapwa’t kung magsusukab sa buhay niya’y maging lason at kamandag.


Lahat : Inumin!

(Iinumin ni Tagailog at Matanglawin ang dugo. Mahuhulog na bigla ang tabing.)

Repleksyon: Natutunan ko sa dulang ito ang pagiging bayani sa anumang oras.

 pinagkunan: http://aileendcasas.blogspot.com/2010/08/kahapon-ngayon-at-bukas-ni-aurelio.html