Monday, September 17, 2012

Sa Lupa ng Sariling Bayan

Sa Lupa ng Sariling Bayan
(Ni Rogelio R. Sikat)


Walang hindi umuuwi sa atin. Walang hindi umuuwi sa kanyang bayan.

Namatay ang kanyang ina noong siya’y limang taong gulang lamang. Di naglipat-taon, sumunod na namatay ang kanyang ama,. Siya’y inampon ng isang amain - ang kapatid ng kanyang ama sapagkat wala nang ibang sa kanya’y mag-aampon.

“Dalawang pera lang ang hihingin niya noon sa kanyang Tata Indo ay kailangan pa niyang maghapong umiyak.” Sa ganitong pangungusap malimit ilarawan ni Ama ang kakuriputan at kabagsikan ng amaing iyong nag-ampon kay Layo. “Kaya ang gagawin ng Layong iyan ay paririto sa iyong ina sasabak ng iyak. Ku, kumakaripas pa ng takbo iyan kapag nabigyan ng ina ng tatlong pera.”

Malaki na ang ipinagbago ng buhay ng batang iyong binabanggit ni Ama: Mula sa isang api-apihang kamusmusan, siya ngayo’y isa na sa mga kinikilalang manananggol sa lunsod. Kausapin mo ang isang abugado o kaya’y isang kumuha ng abugasya at malamang na nakikilala niya kung sino si Atty. Pedro Enriquez. Sasabihin ng abugado na talagang magaling ito ( topnotcher yata iyan, sasabihin sa iyo ng abugado): sasabihin naman ng estudyante na talagang magaling ito, lamang ay mahigpit sa klase ( si Layo ay nagtuturo rin ng batas sa isang unibersidad at isang taga-San Roque ang minsa’y ibinagsak niya). Tatlo ang tanggapan ni Layo: isa sa Escolta, isa sa Echague ( sa itaas ng isang malaking hotel doon), at isa sa Intramuros, sa pinakamalaking gusaling nakatayo noon ngayon.

Bago siya naratay ay umuwi siya sa amin sa San Roque, Bakasyon noon at nasa San Roque rin ako. Kasama niya ang asawa at dalawang anak. Sakay sila ng isang kotse- bihirang mapasok ng kotse ang San Roque. Sa tapat ng aming maliit na bahay huminto ang kotseng iyon.

“Galing kami sa San Fernando ( ang bayan ng kanyang asawa), at nagyaya si Ising at ang mga bata rito. Gusto raw nilang makita itong San Roque.” Ayaw umuwi ni Layo sa aming Bayan: totoo nga marahil na ang pinakamapapait na hinanakit ay inilalaan ng isang nilikha sa kanyang sariling bayan: hindi pa nakakalimutan ni Layo ang kanyang mga hinanakit sa San Roque - kahit ngayong maluwag na ang kanyang buhay.

Hindi sila gaanong nagtagal sa amin sa pagdaraang iyon. Pagkainom nilang mag-anak ng inuming pampalamig ay nagpaalam na sila. Sumakay sila sa kotse at mula noon ay hindi na nagbalik.

Gayon man, malimit pa rin silang magkita ni Ama sa Maynila. Si Ama ay isang retiradong guro. Isang kumpare niya ang magpapatulong sa isang kaso sa manahan. Hinahabol ng kanyang kumpare at ng mga kapatid nito ang isang malawak na lupa sa San Jose na itinatayang hihigit sa kalahating milyong piso nag halaga. Inirekomenda ni Ama si Layo sa kanyang kumpare at dito nila inilapit ang kaso kadastral na iyon.

Tuwing maluluwas si Ama at kanyang kumpare ay dumaraan sila sa tinutuluyan kong bahay – pangaserahan. Sinasamahan ko sila sa pagpunta kina Layo.

Marami akong nalaman sa pagsama-sama kong ito sa opisina ni Layo. Malaki na pala ang bahay ni Layo sa Quezon City. Malawak pala ang kanyang lupa sa Isabela. Siya pala ang umusig kay gayo’t ganitong tao. Siya pala ang abugado ng malaking korporasyong iyon.

Tanyag na nga at matagumpay si Layo.

Ngunit ang hinanakit sa San Roque ay hindi pa rin nalilimutan. 

“Ni puntod ni Ama’t Ina ay di ko madalaw,” minsa’y nasabi sa amin ni Layo. Nagpauna noong umuwi sa Kalookan ang kumpare ni Ama at kami’y isinama ni Layo sa kanyang bahay. Doon nang kami na lamang ang magkakaharap, ay nakabitiw siya sa kanyang mga kilos, gawi at salitang abugado. Naghubad rin siya ng barong-tagalog at nakakamiseta na lamang sa pakikipag-usap sa amin.

Ang tungkol sa puntod na iyon ng kanyang mga magulang ang hindi malimut-limutan ni Layo. Maliit lamang ang libingan ng San Roque noon; mabuti ngayon at may bakod na’t may malalaking nitso. Marahil, ang puntod ng mga magulang ni Layo, kaawa-awa rin ang kanyang ama’t ina, kung nakabuhayan ba nila ang pagtatagumpay ni Layo ay nakasama sa putol na lupang nabili ni Gallego, ang pinakamayaman sa amin. Ngayo’y may nakatayong poultry ng manok sa dating bahaging iyon ng libingan, isang malaking bahay ng manok sapagkat malaki ang poultry ni Gallego. Sinasabing sa mga dumi lamang iyon ay pinapala ng kanyang mga trabahador sa ibabaw ng mga dating puntod, at ipinagbibili sa mga palaisdaan ng bangos.

Ang katulong na abugado ni Layo. Dinaraanan pa rin ako ni Ama sa bahay-pangaserahan. Iyon ang bilin ko sa kanya; matanda na si Ama at natatakot akong baka sa pagtawid-tawid niya ay matumbok na lamang siya sa sasakyan. Madalang na niyang makasama ngayon ang kanyang kumpare; naisaloob marahil ng kanyang kumpare na totoong nakaabala na siya kay Ama kung kaya siya na lamang ang sumama sa abugado sa mga bisita.

Dinadalaw namin ni Ama si Layo, na itinuturing na ni Amang pamangkin, hindi dahil sa nais naming tumunton ng isang mayamang kamag-anak ( dumarami ang kamag-anak ng isang tao kapag mayaman na siya), kundi dahil si Layo na rin ang tumunton kay Ama at sa amin bilang mga kadugo.

“Kayo lamang ang matutunton kong kamag-anak sa San Roque ,” minsa’y sinabi niya sa aming mag-ama. “ Kayo lang, Tiyo Julio , Ben.” 

Malaki ang ipinangangayat ni Layo mula nang siya’y magkasakit. Ngayo’y maputlang-maputla siya. Malimit namin siyang datnan na mahaba ang balbas. Maliit siyang lalaki at lalo pa siyang lumiit sa tingin ko nang siya’y magkasakit. Lalo namang lumaki ang kanyang ulo. ( Marunong talaga ang Layong iyan, malimit sabihin ni Ama, iyon ba namang laki ng ulong iyon!)

Sa isang pribadong silid sa ospital siya nakatigil. Hindi siya iniwan doon ng kanyang maybahay . Kung minsan, naroon ang isa niyang anak, si Fe, ang bunso. Walang imik ang may bahay ni Layo. Dati raw itong modista sa San Fernando. Ngayon ngang maratay si Layo, mga kamag-anak lamang nila sa panig ni Ising ang dumadalaw sa kanya.

“ Walang napaparitong taga-San Roque?” minsan ay itinanong ni Ama.

“ Hindi ko sila hinihintay Tiyo Julio.”

Ang tungkol sa kanyang tunay na karamdaman ay kamakailan lamang namin nalaman. Kinausap ni Ama ang doktor na tumitingin sa kanya. Malaki na raw ang naputol na bahagi ng kanyang bituka.

“Sana’y nakasama na roon ang bahaging may kanser,” sabi ng manggagamot.

Yaon ay sa pangalawang pag-opera kay Layo.

Hindi na niya kinakailangan ang ikatlong operasyon. Nang muli naming kausapin ang doktor,sinabi nitong laganap na ang kanser sa kanyang bituka at tatlong buwan na lamang ang pinakamahabang itatagal ng kanyang buhay.

Ang sabi ni Ama’y may tatlumpu’t pitong taong gulang lamang si Layo. Nang kami’y pumasok sa silid ay mataman ko siyang pinagmasdan. Kay bata pa niya upang mamatay. Tanyag siya ngayon, ngunit hindi pa niya naaabot ang tuktok ng katanyagan. Sino ang makaaalam , nasabi ko nga kay Ama nang kami pauwi na, kung magiging hukom siya balang-araw?

Sa loob ng tatlong buwan na ibinigay na taning ng manggagamot ay malimit naming dalawin si Layo. Gusto ni Layo na lagi naming dinadalaw. Kapag may isang linggo namin siyang hindi madalaw, naghihinakit na siya. Kami’y raw ba’y nagsasawa na sa pagdalaw sa kanya?

“ Naiinip kami rito, Tiyo Julio.” sabi niya kay Ama.

Nagtaka pa ako nang malaman kong alam ni Layo ang kanyang sakit.

“May kanser pala ako. Tiyo Julio, ay di ko nalalaman” pabiro niyang sabi kay Ama. “ Ang buhay nga naman, oo,” bahagya siyang tumawa, “kay lakas-lakas kong tao’y may kanser pala ako.”

Sinabi niya iyon na parang iyon ang pinakakaraniwang bagay na kanyang masasabi. Natingnan ko tuloy si Ising na nasa silid din at naririnig ang aming pag-uusap. Ano kaya ang nasa loob ni ising? Naka-upo si Ising sa sopang naroon. Nang pumasok kami at patuluyin ni Ising ay tila iiyak ito. Ngayon nga narinig niya ang sinabi ni Layo ay tahimik siyang nagpapahid ng luha…

“Akala ko’y ulser lang noong una. Hindi pala. Ito pala ang pinakamabagsik. Bakit kaya naman ako ang pinakapili-pili nito, ha. Tiyo Julio?”

“Nakalimot ka sigurong kumain noon,” sa kawalan ng nasabi ni Ama.

Tumingin sa kisame si Layo. “hindi nga ako nakapagkakain noon, Tiyo Julio,” aniya. “Napaggugutom ako. Trabaho sa araw, aral sa gabi. Nakapagtrabaho pa ako noon sa diyaryo, a” baling niya sa akin sapagkat alam niyang interesado ako sa trabaho sa peryodiko. Journalism ang aking tinapos “City Editor na ako noon,” aniya at binanggit ang isang maliit, malinis, ngunit patay nang pahayagan, “nang ako’y magbitiw. Mahirap, mahirap na buhay iyang buhay ng manunulat.”

Wala kaming sukat masabi ni Ama kaya siya ang pinabayaan naming magsalita. Nahihirapan siyang magsalita, ngunit nakikita naming ibig niyang magsalita. Parang nakatutulong iyon sa kanya; parang nakababawas iyon sa tinitiis niyang kirot.

Tumawa ng mahina si Layo.

“Kangina’y pinag-usapan namin itong si Ising, Tiyo Julio,- oy, Ising, sinasabi ko sa kanila iyong sinabi ko sa iyo kangina - kung saan ako ililibing. Dito sa Maynila, ‘ka ko, gusto kong dito sa Maynila malibing.”

“Huwag na nga nating pag-usapan iyan,” sansala ni Ama. “Ikaw ang kung anu-ano ang pinagsasabi mo.”

“Hindi nga, Tiyo Julio, hindi ko na inaasahang bubuti pa ako,” nakangiti pa ring pakli ni Layo. “Huwag ninyo ako ililibing sa San Roque, Tiyo Julio, huwag. Dito sa Maynila”


Tumayo si Ama. “Aalis na kami ni Ben, hala ka.”

Tumaas ang maputla at batuhang kamay ng nakangiti pa ring si Layo.

“Ang Tiyo Julio naman,” ani Layo at bahagyang umiling. “Siya,” aniya at tiningnan ako, “iba na ang ating pag-uusapan, takot ang Tiyo Julio. Nakapaglalathala ka na ba,Ben?”

Hindi ko siya sinagot. Marami akong naiisip habang nakatingin sa kanya. Nakikita ko sa kanya ang paghahangad na maging matatag sa harap ng nalalapit na kamatayan, ngunit bigo ang hangarin niyang maging matatag. Bigo ka, Layo, bigo ka. Natatakot ka rin, nagtatapang-tapangan ka lang. Bakit hindi mo pa amining takot ka? At itong libing sa San Roque. Kung ayaw mong mailibing doon ay bakit lagi mong binabanggit?”

“Palaisip itong si Ben,” itinuro ako ng maputlang hintuturo ni Layo, “makasusulat nga siguro ito.” Kay Ama naman siya tumingin. “Dalas-dalasan naman ninyo ang dalaw, Tiyo Julio. Sa amin na kaya kayo umuwi, si Ising lamang at ang mga bata ang naroroon? Baka nahihirapan kayong umuwi sa probinsya.”

Ipinangako na lamang ni Ama na lagi namin siyang dadalawin.

Mahinang-mahina na si Layo nang siya’y muli naming dalawin. Paos ang kanyang tinig at halos hindi na niya maigalaw ang mga kamay.

Ngayo’y wala na ang kanyang tatag. Umiiyak siya ngayon.

“Kaawa-awa naman itong Ising,” sabi niya, “Kaawa-awa naman ang aking mga anak. Kayo na, Tiyo Julio, Ben ang bahala sa kanila. Kayo na, ang bahalang tumingin sa kanila.

Kay Ama niya inihabilin ang paglilibing sa kanya. Dito sa Maynila, sinabi na naman niya. Mag-iisa akong malilibing dito, Tiyo Julio, ngunit gusto kong dito malibing.

“Magdasal ka,” payo ni Ama, “iyang hinanakit mo’y kalimutan mo na. Masama iyang babaunin mo pa ang mga iyan.”

“Mahirap makalimutan, Tiyo Julio. Natatandaan ba ninyo noon, noong maliit ako? Noong hindi ko matagpuan ang libing ni Ama’t ina? Wala akong mauuwian doon, Tiyo Julio. Mag-iisa rin ako.”

Tumungo ang maputing ulo ni Ama; pati siya’y ibig na ring maluha sa sinasabi ni Layo.

“Walang hindi umuuwi sa kanyang bayan. Mayroon nga riyan, namamatay sa Amerika, pagkatapos manirahan doon nang kay tagal, ngunit ang huling kahilingan ay ang malibing dito sa atin.”

“Maganda ang sinabi ninyo, Tiyo Julio.”

“Wala ngang hindi umuuwi sa atin, sa kanyang bayan, Layo. Ikaw man ay uuwi rin.”

Lahat ay umuuwi sa kanyang bayan, ibig ko ring sabihin kay Layo. Maaaring narito ka, ngunit ang iyong kaluluwa ay naglalakbay na pabalik doon. Maaaring naging mapait ang kabataan mo roon, ngunit huwag mong sabihing ikaw ay di babalik.

Ngayo’y hindi siya nakatingin sa akin, ni kay Ama, ni kay Ising. Nakatingin siya sa kisame. Nakaangat ang kanyang baba at tila mga mata ng isang bulag ang kanyang mga mata. Alam kong naglalakbay ang kanyang diwa: marahil, nalalaman ko kung saan naglalakbay iyon. 

Gusto kong isipin na ngayo’y naglalakbay ang kaluluwa ni Layo patungo sa aming bayan; gusto kong isipin na ngayo’y tila mga tuyong dahon nang malalaglag ang kanyang hinanakit: gusto kong isipin na sa paglalakbay ng kanyang kaluluwa, sa paglalakbay na iyong pabalik, ay nakatatagpo siya ng kapayapaan…

Nalagay sa mga pahayagan ang pagkamatay ni Layo.

Ang sabi sa pahayagan ay ilalagak daw ang kanyang bangkay sa San Roque.

Ang kabaong ni Layo ay isinakay sa isang itim na kotse.

Mula sa Maynila, naglakbay iyon sa mga bayan-bayan.

Tumitigil iyon sa mga bahay-pamahalaan. Nanaog ang nakaunipormeng tsuper at ipinagbigay-alam ang pagdaraan.

Hapon na nang dumating iyon sa San Roque.

Sa San Roque, marami ang naghihintay na makikipaglibing kay Layo…

Naghihintay rin sa kanya ang lupa ng sariling bayan.






Pinagkunan: http://teksbok.blogspot.com/2011/03/sa-lupa-ng-sariling-bayan.html

Thursday, September 6, 2012

Sa Bagong Paraiso ni Efren Abueg

Ang kwentong ito'y tungkol sa pagkakaroon ng lamat ng kawalang-malay ng mga batang si Ariel at Cleofe. Kapwa sila walong taong gulang at magkababata. Ang kanilang daigdig ay umikot sa isang paraiso'y langit ang kawangis, madalas silang maglaro sa bakuran ng kanilang bahay na malapit sa isang dalampasigan. Tahimik ang kanilang mundo at mistulang walang suliranin. Ang kanilang mga magulang ay hindi nag-aaway at relihiyoso. Pareho silang nag-aaral kasama pa ng ibang bata sa isang maliit na gusali sa may dakong timog ng kanilang nayon at marami silang pangarap. Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa'y madalas magpalipas ng oras sa loob ng kanilang bakuran, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga puno kahit na marurupok, maaligasgas at malulutong na ang mga sanga nito. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang balat sa kanilang siko, nagagalusan ang kanilang mukha at kung minsan ay nababalian pa ng buto dahil nahuhulog ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda, patuloy pa rin sila sa paglalaro. Sa may lilim ng punong mangga kung saan ay makapal ang damo kung umaga ay nandun silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran, at kung sila'y hinihingal na sa pagod ay hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang langit at magkukunwaring aanawin sa langit ang kanilang mukha. Magtataka ang batang babae at tatanungin ang batang lalaki kung makikita nga ba ang mukha sa langit at sasagutin ito ng batang lalaki ng bakit hindi sapagkat ang langit daw ayon sa kanyang itay ay isang malaking salamin. Pagkaraan tumingin ng matagal sa langit sila'y parehong makakatulog at magigising na lamang sa tawag mula sa kanilang bahay. Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising; kung minsan naman ay ang batang babae. Ngunit sinuman sa kanila ang unang magising, ay kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin ang tainga ng natutulog. At ang natutulog naman ay magigimbala sa kanyang pagkakahimbing at pagkarinig na siya'y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangiliti ay mapapaurong at anyong tatakbo at sila'y maghahabulan sa damuhang iyon hanggang sa mapagod at sila'y muling babagsak na naman sa damuhan sa kapaguran, magkatabi at hindi nila pinapansin ang pagkakadantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang mga katawan. At kapag sila naman ay nagsasawa na sa looban ay sa dalampasigan naman sila pupunta kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibi, naghuhukay ng hilamis sa talpukan, o kaya'y gagawa ng kastilyong buhangin, o kaya'y nanunugis ng mga lamang-dagat na nagtatago sa ilalim ng buhangin. Ngunit hindi lang yon ang kanilang ginagawa: naghahabulan din sila dito at kapag napagod na ay mahihiga rin sila sa buhanginan, tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi ay nagkakatinginan sila. Minsan ay naitanong ng batang lalaki sa batang babae ang tungkol sa tumutunog sa kanyang dibdib at kung ito'y kanya bang naririnig. Nagtaka ang batang babae at bumangon ito at tumingin sa nakatihayang kalaro. Inilapit nito ang kanyang tainga sa dibdib ng batang lalaki, dumadait ang katawan niya sa katawan ng kalaro at nalalanghap naman ng nakahiga ang halimuyak ng kanyang buhok. Nakangiting sinabi ng batang lalaki sa batang babae na mabango pala ito. Sinabi ng batang babae na hindi naman daw siya nagpapabango at lumupasay ito sa tabi ng nakahigang kalaro. Sinabi niya pa na paglaki pa raw niya ay saka lamang siya magpapabango dahil yon ang sinabi ng kanyang nanay. Tinanong ng batang lalaki kung narinig ba ng kalaro ang tunog na nagmumula sa dibdib nito at sinagot siya ng batang babae ng oo at tinanong kung ano ang ibig sabihin niyon. Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. Sinagot na lamang ng batang lalaki ang kalaro ng malay daw niya at niyaya na nitong umalis na sila. Bumangon ang batang lalaki at inayos ang sarili at nagsimula nang lumakad. Sinabayan ito ng batang babae at habang isinasalisod nila ang kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na araw. "Ang ganda, ano?" naibulalas ng batang lalaki. "Parang may pintang dugo ang langit." "Oo nga, ano? Bakit kaya kulay dugo ang araw kapag palubog na?" tanong naman ng batang babae. Hindi sumagot ang batang lalaki. Ipinagmamalaki ang dalawang bata ng kanilang mga magulang at ng kanilang mga kanayon. At kinaiingitan naman sila ng ibang mga batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makahalubilo sa kanila. "Siguro, paglaki ng mga batang 'yan, silang dalawa ang magkakapangasawahan." Naririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila'y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase na silang dalawa'y parang tuko - magkakapit. At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila, ay humarang sa kanilang dinadaanan at sila'y tinudyo nang tinudyo. "Kapit-tuko! Kapit-tuko!" Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag sa paanan ng nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang kalaban. Nagpagulung-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugo-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila'y inawat at sila'y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap sila ng tigatlong matinding palo sa puwit. Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila'y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay. Namulaklak ang mga manga, namunga, nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang mamamakyaw at sa loob ng ilang araw, nasaid sa bunga ang mga sanga. Namulaklak din ang mga santol at iyon ay tinanaw ng dalawang bata sa pagkakahiga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang hinog. Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at ang kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit kulay-dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila'y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan --- sapagkat sabi ng kanilang mga lola'y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Sila'y naniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon nang kalagitnaan ng Mayo silang dalawa'y naghubad, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang mga tuyong damo, na waring bangkay ng isang panahong hinahalinhan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki'y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit. At ang pamumulaklak at pamumunga ng manga, santol, at sinigwelas at ng iba pang punungkahoy o halaman sa loobang iyon ay nagpatuloy. Ang damuhan ay natuyo at muling sinibulan ng bagong supling; ang araw ay lumubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyon kung dapithapon. Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan; ang mga magulang ay walang pinag-usapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak. Mabilis na lumipas ang oras at dumating na ang araw ng pasukan, ang batang lalaki at batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng hayskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki'y nakalargo na at pantay na ang hati ng kanyang buhok na nangingintab sa pahid na pomade. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok, na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay lampas tuhod at hindi nakikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito. Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila napigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan. Sa paglawak ng kanilang daigdig, ang batang lalaki'y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki ang nasa loob niyon at may ipinakikita sa mga kasamahan. Nakisiksik sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na natuklasan niyang kailangang mangyari sa kanya. Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Naupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kanyang ama. Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon. Napatawa ang kanyang ama. Tinapik siya nito sa balikat. At sinabi sa anak na kailangan daw 'yon para siya'y maging ganap na lalaki. Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata'y naghiwatig ng pagkakaroon ng lamat sa kanyang kawalang-malay. Sinabi pa ng ama sa anak na isang araw ay isasama daw siya nito kay Ba Aryo. Maging matapang lamang daw siya sana. Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niya kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang iyon. Kaya't kahit patuloy pa rin silang naglalaro sa damuhan o kaya'y nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki. At isang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kanyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siya'y itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog. "Ang damuho…pagkalaki-laki'y parang hindi lalaki." Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kanyang isip at patuloy na nagpalaki sa lamat sa kanyang kawalang-malay. Kasunod ng pangyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo, hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito'y nakahiga sa damuhan o sa dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang mapupula ang mga mata ng batang babae nang dumating ito isang dapithapon sa tabing-dagat. "Bakit?" usisa niya. "Wa-wala..wala!" Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang babae, kiniliti, napahabol dito..hanggang sa mahawa ito at sila'y naghabulan na sa buhanginan. Humahagikgik pa sila nang mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at madama niyang lalong Malakas ang pintig doon. "Tignan mo…pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko," anyaya ng batang lalaki. Ngunit hindi kumikilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas nang mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunghan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. "Bakit?" Saka lamang tumingin ang batang babae sa batang lalaki. At ito'y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi'y pinahid ng palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktan ng buhangin. At sa isang basag na tinig ay sinabi ng batang babae sa kalaro na hindi na daw sila maaring maglaro gaya ng dati. "Hindi na?" sagot ng batang lalaki na parang sasabog sa kawalang-malay ang katauhan ng batang lalaki. "Malalaki na raw tayo…malalaki nang tao. Hindi raw maglalaon, tayo'y magiging dalaga…at binata." "Sinabi 'yon ng Nanay mo?" "Oo, sinabi niya…na hindi na tayo maaring maghabulan, o kaya'y umakyat sa punongkahoy o kaya'y pagabi rito sa tabing-dagat," sabi pa ng batang babae. "Kangina sinabi sa'yo ng Nanay mo?" Tumango ang batang babae. "Ngayon daw…hindi na tayo bata. Ako raw ay dalagita na…at ikaw raw ay binatilyo na!" At waring ang batang lalaki'y nagising, napagmasdan niya ang kanyang mga bisig, ang kanyang katawan at sa harap ng kanyang kalaro ay nauunawaan niyang totoo ang sinabi nito. "Ayaw ka na palang papuntahin dito'y…bakit narito ka pa… gabi na!" Nagbangon ang kanyang kalaro. Humarap sa kanya. Palubog na noon ang araw at mapula ang silahis niyon sa langit. Ang mukha ng dalawa ay animo mula sa malayo at ang pakakahawak nila sa bisig ng isa't isa ay parang isang pagpapatunay ng tibay ng tanikalang bumibidbid sa kanilang katauhan. Hindi na nga sila mga bata. Siya'y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa rin sila sa looban, ngunit hindi lamang tulad nang dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Ngayon, parang lagging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal. Sa looban, ang kanilang mga magulang; sa paaralan, ang kanilang guro. At ang kanilang tawa tuloy ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, Malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uusap ay hindi na Malaya at pumipili na sila ng mga salitang kanilang gagamitin. At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kanyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kanyang ina ay palihim niyang lalabhan sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang likod-bahay. Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi nito sa kanya: "Hindi mo na kailangang dito pa labhan 'yan…" Nagtapos sila ng hayskul. Nagkamay sila pagkaraang maabot ang kani-kanilang diploma. At nang magsasayawan nang gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok sa kanilang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng binatilyo. Nagsayaw sila, nag-uusap ang kanilang mga mata ngunit ang kanilang labi'y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin ang panunuyo o paglalamat niyon. At hindi nila alam na ang tibok ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpapalaki sa lamat sa kanilang kawalang-malay. Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: Kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluom sa kanyang kalooban. "Pero, Inay…kaibigan ko si Ariel." May himagsik sa kanyang tinig. "Kahit na…kayo'y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin." May langkap na tigas ang sagot na iyon. Alam niya ang kahulugan niyon: Masama: Parang pait iyong umuukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kanyang ama. "Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang mga lalaki!" At ang pait na may iniukit sa kanyang isip ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog ng pagpukpok ay nag-aalingawgaw ng: Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid. "Ayaw nila…ng Inay…ng Itay…masama raw," at ang mga labi niya'y nangatal, kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata. Nang minsang dalawin ng binata ang dalaga sa dormitoryo ay pinakiusapan siya ng dalaga na huwag na muna silang magkita. Napatitig lamang ang binata sa dalaga. Minsan, ang binata ay umuwi sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna iyon ng kanyang ama. Nalulungkot ang binata sapagkat ayaw ng makipagkita sa kanya ni Cleofe. Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin. Sinabi ng ama sa anak na magkakalapit din namang sila muli pag nakapagtapos na ang dalaga. At gusto ng mga magulang nito na maging doktora ang anak. Pasigaw ang alingawgaw ng kanyang tinig sa kanyang isip. "At habang nagdodoktora siya ay masama kaming magkita?" "Tama ka!" maagap na pakli ng ama. "Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso!" At ang dalawa'y hindi na nga nagkita, gayong nasa lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng makakasalubong na kakilala. Mangyari'y iniwasan nila ang magkita, at hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila ay masama, tukso. Nabubuhay sila ngayon sa isang bagong daigdig, daigdig ng aklat, ng matataas na gusali ng malalayong kabataan sa kapaligiran. Hindi sila nagkita sa loob ng mahabang panahon. Hindi sila nakatiis. Isang araw na hindi sinasadya'y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila napahinto sa paglalakad at nabangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi pa rin sila makakilos. Ang binata ang naglakas-loob at binati niya ang dalaga. Hindi nakasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay napasunod lamang siya, napatangay sa agos kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hininging pagkain, sila'y nagkatitigan at sila'y nakalimot at akala nila'y nasa luntiang damuhan sila sa looban sa lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa't isa. At sila'y nagkita sa Luneta, hindi lang minsan kundi maraming pagkikita, maraming-marami at ang kanilang sikil ng damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwan, sila'y lumigaya. Ngunit ang inihasik na binhi ng pagkakilala sa masama at sa mabuti sa kanilang isipo ay sumibol na at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawang iyon ay masama. Ngunit sila'y naghihimagsik. Nakatanggap ng sulat ang dalaga mula sa kanyang mga magulang. May nakakita sa kanilang dalawa ni Ariel na magkahawak-kamay sa Luneta, sa pook na dapat pakaiwasan. Hindi man lang daw sila nahiya. Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa sa liham. Nagbabanta ang mga sumusunod pang talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang yan. Pinagsabihan din ang binata ng mga magulang nito sapagkat nakaabot na pala sa mga ito ang nangyari. Muli na namang ipinaalala sa binata na ang babae ay isang tukso. Ibig niyang umalis sa silid na iyon at upang hindi na marinig ang alingawngaw ng katagang iyon: tukso --- tukso ---- tukso! Sinabi ng dalaga: hindi na ngayon tayo maaaring magkita. Sinasabi ng binata: magkikita tayo… magtatago tayo…ililihim natin sa kanila ang lahat. At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan, ngunit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik ng takot na matutop at ng pangangailangan. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit hinahamig ng init ng kanilang lumayang mga katawan. Maligaya sila sa kanilang daigdig. Maligaya sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan, at nangagulat ang mga tao sa lansangan; pamaya-maya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin. Ang dalaga ay dumungaw sa bintana - masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakatatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na ibig niyang itapon. At iyon ay umaakyat sa kanyang lalamunan. Humawak siya sa palababahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyang maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan. Tumungo siya at nakita niyang nilinis ng tubig ang bangketa at kasabay ng kanyang pagtungo, parang may isinikad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya'y napanganga at siya'y napapikit at siya'y napaluha at paghigpit ng kanyang hawak sa palababahan ng bintana ay napaduwal siya…at ang lumabas sa kanyang bibig ay tumulo sa bangketa at sandaling kumalat doon at pagkaraa'y nilinis ng patak ng ulan, inianod ng nilikhang mumunting agos sa gilid ng daan. At ang dalaga'y napabulalas ng iyak.

Pinagkunan: http://wiki.answers.com/Q/Sa_bagong_paraiso_by_efren_abueg#ixzz25gtSBKIi



REPLEKSYON: