(Ni Rogelio R. Sikat)
Mga Tauhan:
- Regina Calderon, 48, balo, isang maestra
- Tony, panganay niyang anak, estudyante
- Aida, 18, anak niyang babae, estudyante
- Ben, 16, bunso, estudyante
- Ana, 46, matandang dalaga, kapatid ni Regina
- Ang Alkalde
- Ang Konsehal
- Mga Pulis
- Panahon: Kasalukuyan
Tagpo:
“Apartment” sa lungsod sa Rizal, sa isang komunidad na masasabing “middle class”. Maraming bagong bahay dito, nakatayo sa mga loteng nabili sa murang presyo noong unang bahagi ng 1950 at ngayo’y nagkakahalaga na nang malaki sa pamilihan ng lupa. Tahimik dito, malayo sa daanan na pampasaherong sasakyan, mapuno at mahalamang hindi katulad ng ibang subdibisyon. Aspaltado ang malilinis na kalsada at may ilaw na mercury ang mga poste. Karaniwan nang ang naninirahan dito ay mga empleado ng gobyerno.
Sa sala at sa komedor ng apartment na ari ni Mrs. Calderon mangyayari ang dula. Isa sa apat na pinto, malaki-laki rin ang apartment na ito, putiang pinta, yari sa mahuhusay na materyales, at sa unang malas pa lamang ay mahihinuha nang inilalaan sa mga makapagbabayad ng mataas. May pinto sa may sala, kanan, kaharap ng gate, at sa kaliwa, sa may kusina. Luma na ngunit maayos pa ang mga kasangkapan parang inilipat mula sa isang lumang bahay. Sa sala ay may isang set ng upuan na nakatuntong sa isang alpombrang bumabagay sa pulang sahig; sa likod nito, kabinet ng mga libro na kinapapatungan ng isang flower vase, isang nakakwadrong retrato ng isang nakangiting dalaga na napaliligiran ng maliit at animo’y naglalarong mga piguring duwende at isang lampshade. May telebisyon sa sulok, malapit sa nakukurtinahang bintanang salamin.
Sa dingding na binarnidang plywood, nakasabit ang isang pares ng nairolyong pinturang Hapones: mga lumilipad na tagak sa ibabaw ng maiitim at payat na tangkay at mga dahon ng kawayan. Sa gitna, likuran, may hagdanang paakyat sa mga silid-tulugan, puti ang mga barandilya nito at sa itaas palapag, sa ding-ding, ay nakasabit ang isang pandekorasyong seramiko na kinatitikan, na mga letrang Gotiko, ng mga salitang GOD BLESS OUR HOME.
Sa silid-tulugan, kaliwa ay may isang mesang paayon ang ayos at napapaligiran ng anim na silyang may matataas na sandalan. May kabinet sa likod ng mesa-lalagyan ng mga plato, kubyertos, mga itinatanging kasangkapan na ang paggamit ay karaniwan nang inilalaan ng mga may-bahay sa mga espesyal na okasyon… Nandito rin ang ilang de-latang pagkain at mga boteng gamot. Nakapatong sa kabinet ang isang bentilador. Di kalayuan sa mesa, malapit sa lababo, ay may isang repriheradora. Sa kabuuan, maayos at masinop ang apartment.
May mga alas-otso na ng gabi. Bukas ang ilaw sa sala. Nakaupo si Ben sa sopa, taas ang pinagsaklit na paa at tila yogang nagbabasa ng isang magasin. Nakakorto siya at iskiper na puti. Mahahaba ang kanyang biyas at sa katabaa’y may pagkabalingkinitan pa. Mahaba ang kanyang buhok, tulad ng uso sa mga tin-edyer ngayon, at may kakisigan siya.
Bukas din ang daylight sa silid-tulugan. Nakaupo si Regina sa kabisera ng mesa at umiinom ng kape. Sa kabilang dulo, nagpupunas ng kutsara ang kapatid niyang si Ana. Magkahawig sila, bagama’t maraming salit na puting buhok si Regina. Nakaputi siyang damit-pambahay, tila isang roba na itinali sa harap, hanggang siko ang maluwang na manggas at hanggang sakong ang laylayan. Nakapusod siya, laylay ang ilalim ng mga mata, larawan ng isang babaing pinatigas ng mga hirap na pinagdaanan. Nakabulaklaking pambahay si Ana, may pagkamasayahin ang mukha, nguni’t ngayo’y tila nag-aalala.
ANA : (habang nagpupunas) Kumusta ang hiningi mong bakasyon, Regina?
REGINA: (ibig magmalaki, nguni’t walang sigla) Binigyan ako, puwede ba nila akong hindi bigyan.
ANA : Dapat naman. Sa buong pagtuturo mo’y ngayon ka pa lang magbabakasyon, ano?
REGINA: Ikalawa na ito. Noong mamatay ang ama nina Aida, saka ngayon. Pupuwede akong hindi pumasok kahit ilang buwan pa suguro, kahit isang taon. Marami akong naiipong bakasyon.
ANA : Biro mo namang mahigit na dalawampung taon ka na yatang nagtuturo. Noong dalaga ka pa, hindi ba? Pwede ka nang magretiro.
REGINA: (sasandal) Sayang naman kung hindi ko matatapos ang aking serbisyo. Pero hindi ako papasok hangga’t hindi gumagaling si Aida.
ANA : Kung sabagay, kaya ko naman siyang alagaan. (Aayusin ang salansan ng kutsara). Ano nga pala ang sabi-sabihan sa eskwela? Siguro’y alam nila ang nangyayari?
REGINA: (pauyam) Alam. Pero ano ba ang maaasahan mo sa mga walang prinsipyong tao?
ANA : Sinabi mong tuloy rin ang demanda?
REGINA: (tatayo, lalakad sa repriheradora upang kumuha ng inumin) Oo. Bakit hindi ko itutuloy? Kahit ano pa nga ang kanilang sabihin. Dapat nga raw magdemanda, sobra naman daw talaga ang ginawa kay Aida, pero…
ANA : Nakapag-aral si Aida doon. Kilala siguro nila.
REGINA: (habang pabalik sa kabisera, dala ang baso ng inumin) ang dipirensiya nga lang daw, “mayor” itong kalaban ko. Ano sa akin kung “mayor”? ngayon ba’t “mayor” siya’y libre na ang kanyang anak? Wala raw mangyayari. Iba raw ang malakas ang nasa poder. Baka raw lalo pa tayong perwisyuhin.kababata pa’y wala nang prinsipyo! Mga bagong tapos pa ng kolehiyo, mabuti pa iyong “ assistant principal” namin, matapang. Ang sabi’y “Ituloy mo, Mrs. Calderon, ‘you should really teach those people a lesson.”
ANA : (galit) Ituloy mo nga. Regina, nang madala. Sobra nang talaga ang anak ng “mayor” na iyan! Ang kailangan talaga riyan ay bitay.(Tatayo, ililigpit sa isang lalagyan ang mga kutsara, pahablot na dadampot ng isang basahan.) Tutal, bitay din siguro ang ibibigay sa lalaking iyan. (Tatayo si Regina, tila nag-iisip na maglalakad-lakad sa sala. Mapapansin niya si Ben na ngayo’y nakadapa at nagkukuyakoy ang paa sa hanging nagbabasa).
REGINA: Napakain mo na’ng aso, Ben?
BEN : (pagak ang boses, di iaalis ang tingin sa binabasa) Opo.
REGINA: (susulyap sa itaas ng hagdan, pagkuwa’y babalik sa komedor.) Bakit ba naghahanap ng kordon si Tony, ha, Ana?
ANA : (nagpupunas-punas sa may lababo): Maikli ang kordon ng ilaw niyang inililipat sa kuwarto namin.
REGINA: Pabibilhin ko na lang siya ng isa pa bukas. Kailangan niya iyon sa pag-aaral, malabo ang kanyang mata.
ANA : Ibang-iba iyang si Tony kesa do’n sa isa. (Ngunguso sa sala.) Tingnan mo, prenteng-prenteng nagbabasa. Hindi man lang tulungan iyong kapatid.
REGINA: Bata pa lang kasi si Ben.
ANA “Spoiled”. Si Tony, noong ganyang edad, kumikita na, nagtitinda na ng diyaryo.
REGINA: Hindi si Ben ang “spoiled” Ana. Baka ‘ka mo si Aida. (Magbababa ng tingin na parang mali ang nasabi.)
ANA : Kung sabagay. (Ipapatong ang kanang kamay na may hawak na basahan sa sandalan ng isang silya.) Si Tony, pati nanliligaw kay Aida, kinikilatis na mabuti. Hindi na nagbalik iyong preskong kaklase yata ni Aida, ano? Iyong de-kotse? “Ano ba sa akin kung de-kotse siya,” sabi sa akin ni Tony. Sino nga ba iyon?
REGINA: (parang hindi siya pinapansin) Mababait silang lahat.
ANA : Si Tony, minumutyang talaga si Aida.
REGINA: Mapagbigay pa ‘ka mo sa mga kapatid. Hindi na baleng siya ang wala mayroon lang si Aida at Ben. Ang maipipintas mo nga kay Tony ay walang kibo.
ANA : Seryoso. Palaisip. Kaparehung-kapareho ng ama.
REGINA: May pagkaseryoso rin itong si Ben, pero hindi kamukha ng kuya niya. Si Aida- si Aida ang (parang mawawala sa sinasabi, mababasag ang boses)-pinakamasaya.
ANA : (mapapansin ang pagbabago ng mukha ni Regina, nguni’t itutuloy pa rin)Masasabi mong isip-bata si Aida. Inosente. Pero maganda. Maganda. Akalain ko bang gaganda ng ganyan ang anak mo, Regina. Natatandaan mo pa, noong sumakay siya sa karosa ng “lantern parade” sa UP, noong nakaraang Pasko? Noong dalhin tayo ni Tony? Hindi ako makapaniwalang anak mo iyon at pamangkin ko iyon. Bakit nga’y di- “jeans-jeans” at “pony-tail pony-tail” lang dito. Ang sarap ‘ka mo, namatay ang “generator” ng karosa! Di pinasinagan siya ng “flashlight”. Nakatingin kay Aida ang lahat, at siya’y ngumingiti, at nangyayabang, at nang-iinggit naman ang kanyang mga kaklase. Sa tingin ko ba noo’y para siyang nakaangat sa karosa-(Makikitang ibig maiyak si Regina) Sino nga ba naman ang makapag-aakalang-
REGINA: (tutuwid ng upo, sa dingding nakatingin) Nangyari na iyan Ana.
ANA : (Pagkaraan ng ilang saglit, malungkot) Disiotso na siya sa Setyembreng ito, Regina.
REGINA: Limang taon na tayo rito. Natatandaan mo? Dito nag-“birthday” si Aida nang lumipat tayo.
ANA : At napapanaginip ko pa noon ang kanyang “debut”. At naisip ko na ang gagawin kong tahi sa damit niya.
REGINA: Ang buhay nga naman.
ANA : (nagpapahid ng matang isasauli ang basahan sa lababo.) Mabuti pa sigurong hindi tayo umalis sa Gagalangin, Regina. Siguro, kung hindi tayo lumipat dito-
REGINA: Sino ang makaaalam na dito siya magkakaganyan?
ANA : Bakante ngayon ang itaas ng bahay doon.
REGINA: (nagpapaliwanag): Hindi ba dahil sa mga bata kung kaya tayo umalis sa Gagalangin? Gusto mo rin namang tayo’y umalis doon nang lumalaki na ang mga bata,di ba? At nang malapit pati sila ‘ka mo ng eskuwela. Naisip kong umutang nga tayo at ipatayo natin ang “apartment” na ito- unang-una’y dahil diyan ang malayo nga sila doon. Pinaupahan na lang natin ang bahay doon. Hindi ba’t mas nagustuhan naman dito ng mga bata? Mas tahimik dito, hindi siksikan, mas-
ANA : Oo nga, Regina. Pero –
REGINA: Dahil sa pagtanda nati’y wala naman tayong makakasama- patay na rin lang ang ating mga magulang- naisip kong maaari na tayo dito. May apat na pinto tayo dito, tamang-tama, ‘ka ko. Magkaasawa man ang mga bata, magkaanak man sila, hindi rin tayo magkakalayu-layo. Tig-I-tig-isa ‘ka ko sila ng pinto- isa kay Aida, isa kay Ben, isa sa ating dalawa. Hindi tayo magkakawalay-walay. Ganyan ang naisip ko noon, Ana.
ANA : Aywan ko, Regina, pero kung minsan nga’y naiisip kong kahit yata saan tayo pumunta, sinusundan tayo ng trahedya.
REGINA: Hindi naman sa tayo’y sinusundan, Ana. (kukunot ang noo). Mabuti pang sabihin mong dahil sa mga pagkakataon, o dahil sa mga kondisyon ngayon. Ibang-iba na talaga ngayon. Aywan ko rin, Ana. Aywan ko.
ANA : (Pagkaraan ng ilang saglit, malumanay na) Naubos na nga pala ang gamot ni Aida, Regina. Iyong “ tranquilizer”.
REGINA: Magpabili tayo. Sino ba’ng ating pagbibilhin? Si Tony?
ANA : Pabilhin mo na’t gabi na. Malapit na sigurong mag-alas- nuwebe.
REGINA: Gabi na pala.
ANA : Akala ko ba’y napapagod ka ?
REGINA: (tatawag) Tony!
TONY : (sa itaas): Sandali po! Ikinakabit ko lang itong “daylight”.
ANA : (nakaupo sa kabilang dulo ng mesa, may binibilut-bilot na sinulid ng basahan ang daliri): Ano ba ang napapansin mo kay Aida?
REGINA: Ano’ng napapansin?
ANA : May pagbabago ka bang nakikita ? Hindi ba parang lumalala?
REGINA: (bubuntung-hininga) Ang sabi naman ng doktor ay may “shock” pa siya hanggang ngayon. Totoo raw nasindak si Aida.
ANA : Kung sabagay. Medyo nawawala na ang mga marka ng dagok sa kanyang mga pigi. Talaga sigurong hindi ka makakabangon kapag dinagukan ka roon. Iyon namang sugat at galus-galos, magaling na. Ang ikinatatakot ko’y ang kanyang nerbiyos. Lalo siyang nagiging nerbiyusin yata. Lagi kaya niyang naaalala ang nangyari sa kanya? Ganoon ba iyon? Hindi ba- may naloloka sa ganyan?
REGINA: Hindi naman siguro, Ana. Mahusay ang gamot na ibinibigay sa kanya ng doktor. At sabi sa ospital, magaling daw ang “psychiatrist” na tumitingin sa kanya. Talaga raw isa sa pinakamahusay dito sa Pilipinas, sabi sabi rin Tony.
ANA : Naaalala ko kasi iyong kapitbahay natin sa Gagalangin. Iyon bang anak ng kapitan na dinadala sa V.Luna at ipina-e-“electric shock”. Namumuti raw talaga at umiikot ang tau-tauhan ng mata. Bumubula ang bibig. Pero iba naman siguro iyon.
REGINA: Tiyaga, tiyaga ang kailangan natin, Ana. Kaya hahabaan ko ang aking bakasyon.
ANA : (Maliwa-liwanag ang mukha): Mahusay siguro iyong likidong “tranquilizer” na inihahalo ko sa pagkain niya. Biro mo, iyong tira niyang pagkain, sinubok kong ipakain kay Sultan noong isang araw. Nakatulog ang pobreng aso.
REGINA: Iyon naman daw ang kailangan, sabi ng doctor- ang humupa ang kanyang nerbiyos.
ANA : Ibinigay ni Tony kay Aida nag maliit niyang ponograpo.
REGINA: Sa Linggo ang punta dito uli ng doktor. Malalaman natin sa kanya kung kailangan pang ipasok sa ospital si Aida o hindi. (Maalala) Si Tony nga pala, iyong gamot. (tatawag) Tony! Di ibinigay ba ang kanyang “turntable”? (mananaog si Tony, payat, di-nasusuklay ang buhok, lampas sa karaniwan ang taas, habaan ang mukha, nakasalamin at mukhang matanda kaysa tunay gulang. Lumang pantalon at maluwang ang manggas na polo sert ang suot. May dalang plais at “tape” sa kordon.)
REGINA: Bumili ka ng gamot, Tony. Nasa tokador iyong pera.
TONY : Opo. ( Ililigpit sa may ilalim ng hagdan ang plais at pandikit, pupunta sa repriheradora at kukuha ng inumin. Tiyak at tila laging pinag-iisipang lagi ang kilos.) Nauuhaw si Aida.
ANA : (pagkapanhik ni Tony, naghihinala): Ilang beses ko nang napapansing lumalabas ng gabi ang Toning iyan. Di mo ba napapansin?
REGINA: Hindi.
ANA : Iyong lagay na iyon siguro’y palakad na.
REGINA: Ugali lang talaga niyan ang maglakad. Di nga ba sabi mo kangina’y palaisip?
ANA : Oo nga. Pero gabing-gabi na kung umuwi kung minsan. Susi ang ginagamit.
REGINA: Baka naman nagpupunta lang sa kaklase niya riyan sa kabilang kanto?
ANA : (kukumpas): Aywan ko. Si Ben ang tanungin mo. Sila’ng magkakuwarto. Kaya lang, nag-aalala ako. Alam mo na ngayon, baka makatuwaan iyan. (Isang sasakyan ang hihinto sa tapat ng “apartment”. Maririnig ang pagkalapak na pagsasara ng pinto nito, ang pagkahol ng aso).
REGINA: (kay Ana): Sa atin ba iyon? (May babatinting sa pintuang bakal).
ANA : Tingnan mo nga Benjamin.(Lalabas si Ben. Sa may “gate” maririnig ang boses-matandang tanong na “ Nariyan ba si Mrs. Calderon?” at ang mababa at pagak na “Opo, sino po sila?” ni Ben. Nakatayo sina Regina at Ana sa tabi ng mesa, nakatingin sa labas).
ANA : (Makikilala ang dumating) Si “mayor”, Regina! May kasama.
REGINA: (magugulat) Ano kayang kailangan?
ANA : (kinakabahan) Baka-aayusin ka.
BEN : (papasok) Gusto raw kayong makausap, Inay.
ANA : Bakit daw?
BEN : Aywan ko po.
REGINA : (pagkaraan ng pagbabantulot) Papasukin mo. (Lalabas si Ben).
ANA : (Kay Ana) Anong ayos-ayos. (Papasok ang alkalde, maitim, katamtaman ang taas, may katabaan, hagod sa batok ang tintina at walang partidang buhok,may mahigit nang 50 taon, naka-polosert na guhitang pula, bukas ang butones sa itaas. Kasama niyang papasok ang isang naka-“polo-barong” na lalaki, may kaputian maliit, mataas ang gupit, naka salamin, parang nakaismid, at ang mata’y nag-uusisa agad sa pinasok na “apartment”).
ALKALDE: (itataas ang kaliwang kamay, bahagyang yuyukod) “Good Evening”.
REGINA: Magandang gabi ho naman.
ALKALDE: Napasyal kami, Misis.
REGINA: (bantulot na ituturo ang upuan) Maupo kayo.
ALKALDE: (bago maupo) Misis, ang kasama ko nga ho pala’y si Konsehal Collas, Atty. Collas. (Bahagyang tatango ang konsehal. Mauupo sila. Mananatiling nakatayo si Regina. Nasa silid-kainan si Ana, nakahilig sa barandilya ng hagdan si Ben).
ALKALDE: (nakatingin kay Ben): Anak ho ninyo?
REGINA: Oho.
ALKALDE: (humahangang nakatingin kay Ben) Guwapo. At listo. Listong bata. Hindi basta nagpapasol. (Mahihiyang pupunta si Ben sa silid-kainan at doon mauupo, kasama si Ana. Mapapansin ng Alkalde na nakatayo si Regina). Maupo naman kayo, Misis. Kami ho naman ni Konsehal ay ngayon lamang napadalaw dito sa inyo.
KONSEHAL: Siyanga naman, Misis. (Mauupo si Regina).
ALKALDE: (lilinga-linga) Magandang “apartment” ito, a. Tingnan mo ang “Japanese Painting” nila, konsehal. Di ba ganyan ang nakuhamo sa Tokyo?
KONSEHAL: Masinop ang “ apartment” nila, “Mayor”.
ALKALDE: Ito ang sasabihin ng “comadre” mo na “Cozy”. (Kay Regina) Malaki siguro ang upa ninyo, Misis sa “apartment” na ito.
REGINA: Sa amin ho ito, inaakupa lang namin ang unang pinto.
ALKALDE: (tatawa) Dispensa, Misis! Dispensa. “An honest mistake”. Tingnan mo nga naman, konsehal, sa kanila pala ito.
KONSEHAL: “Must have gotten a loan from the GSIS”. (Mananaog si Tony, magugulat pagkakita sa Alkalde, pagkaraa’y parang walang nakitang tutungo sa komedor upang kunin ang sapatos, mananatili siya sa komedor. Samantalang nakatingin sina Ana at Ben sa nag-uusap, ipapatong niya ang mga kamay sa mesa, nakakunot-noong kakatuk-katukin ang daliri ang salamin niyon. Manaka-naka lamang siyang lilingon sa sala).
ALKALDE: (nakatingin kay Tony) Anak din ninyo, Misis?
REGINA: Siya ho ang panganay.
ALKALDE: Marunong na tipo. “Scholarly type,” wika nga. “Law” siguro ang kinukuha, Misis?
REGINA: (kangina pa nagtitimpi) A.B. ho, sa UP.
ALKALDE: (magugulat) UP! Taga-UP rin pala konsehal. Pareho kayo. Ako ho, Misis- bakit ho ba nasasabi ito’y hindi naman naitatanong?- ay sa Francisco Law College lamang ang gradwado.(Tatapikin sa balikat ang konsehal) Walang kuwentang eskwelahan. Kung sabagay, doon nagtapos si Carlos P.Garcia, ha, konsehal? (Magtatawanan sila). Buweno, buweno, ang ibig kong sabihi’y isa sa mga hindi natupad na ambisyon ko iyang makapag-aral sa UP. Marunong ang anak ni Misis, konsehal.
KONSEHAL: Maestra kayo, Misis,a – “Calderon”?
REGINA: Oho.
ALKALDE: Saan naman kayo nagtuturo?
REGINA: Sa Torres High School, sa Maynila.
ALKALDE: (magugulat) Paano ho naman ang nangyari’t dito kayo-
REGINA: Narito ang aming “apartment”. May bahay kami sa Gagalangin pero pinauupahan namin. “Grocery” ang silong.
KONSEHAL:Mukhang “familiar” sa akin ang “Calderon”. Saan kayong probinsiya, Misis?
REGINA: Lehitimo ho akong taga-Maynila. Ang Mister ko ho’y taga- Nueva Ecija.
KONSEHAL: “ You are now a - - widow?” (tatango si Regina).
ALKALDE: Buweno, kami ho’y medyo ginabi, Misis, dahi sa nanggaling pa kami sa “squatter area” diyan sa may “highway”. (Nakatawang iiling) “Wise” din naman ang mga lider niyon ngayo’t alam na eleksiyon sa Nobyembre ay saka magrerepresentasyon sa akin, huwag ko raw silang ipatapon. May nakikiusap na riyan , may umiiyak na diyan, at ako naman (kukumpas) mahabagin nga siguro ako ay wala nang magawa. Paano ka pa makakatanggi niyon?
REGINA: Marami ring botante roon, “Mayor”?
ALKALDE: Ha-ha-ha! Hindi naman, Misis, hindi naman! Ang lagay naparaan nga kami roon, kaya ginabi kami sa pagsasadya sa inyo.
REGINA: (titingnan siya ng tuwid): Para ipaurong sa akin ang demanda, “Mayor?”
ALKALDE: (magkikibit-balikat): Para - - para tayo’y magkausap.
KONSEHAL: (magsisindi ng sigarilyo): Ang totoo niyan, Misis, si “Judge” Joaquin ang nagmungkahing magkausap kayo, na kung ako ang tatanungin, ay siyang pinakamabuti ninyong gawin. Iyan naman ang sinabi ng inyong “compadre”, di ba, “Mayor”?
REGINA: Mahusay pala kayong magpalaman sa mga salita, konsehal.
ALKALDE: (maagap): Misis, kami’y naparito, unang-ana’y para magdiskargo. Alam kong mabigat itong aming inilalapit sa inyo, kaya naman ako’y makumbabang naparito sa inyo upang- upang wika nga’y ihingi ng tawad ang ginawa ng aking anak.
REGINA: (susukatin siya ng tingin): Akala ba ninyo’y makukuha sa paghingi-hingi ng tawad ang ginawa ng inyong anak?
ALKALDE: (iiling, nakangiti): Alam ko, alam ko, Misis.
REGINA: Ganoon pala’y bakit hindi natin ipaubaya sa husgado?
ALKALDE: Si Misis- -
REGINA: Kayo ba’y may anak na babae, “Mayor?”
ALKALDE: (nakangiti pa rin) Alam ko ang itatanong ninyo. Mayroon. Tatlo. Paano kung isa sa kanila ginawa iyon? ( Nakangiting, maiiling ang konsehal).
REGINA: Paano kung ang pinakamamahal ninyo sa tatlong anak na iyan ay ginahasa ng aking anak?
ALKALDE: Natural namang mararamdaman ko ang katulad ng nararamdaman ninyo ngayo, Misis.
REGINA: Hindi ko itinatanong kung ano ang mararamdaman ninyo. (Malakas) Ano ang gagawin ninyo? (Kukumpas sa kawalang-maisagot ang alkalde. Sa itaas, tatawag si Aida, “Inay, Inay!)” Tatahimik ba kayo? Magdedemanda ba kayo? Ano ang gagawin ninyo? Kung sabagay, sino nga ba naman ang matapang na mangangahas na – “mayor” kayo. Pero halimbawang kayo ang nasa katayuan ko?
KONSEHAL: (sasaluhin ang alkalde) Sa ganitong anggulo natin tingnan, Misis, umabot na rin lang sa ganito. Malinaw kong nakikita ang inyong punto. Ngayo,y kauumpisa pa lamang nang kaso. Di ba ninyo inaalala ang inyong anak? Kung itutuloy ninyong talaga ang demanda, ang kauna-unahang gagawin para mapatunayang ginahasa siya ay ang ipaeksamen siya. Hindi mo maiaalis sa abugado ng kabila na hingin iyan, ipaeksamen siya.
ALKALDE: (sasang-ayon) Kawawa rin ang inyong anak. Ang ibig kong sabihi’y—
REGINA: (sa konsehal): Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi?
KONSEHAL: (iduduldol sa “ash tray” ang sigarilyo) Para patunayan kung siya’y ginahasa o hindi.
REGINA: Kung hindi kayo kumbinsidong ginahasa nga ang aking anak ay bakit narito kayo?
ALKALDE: Para - - para huwag na ngang umabot diyan,Misis.
REGINA: Legalismo ninyong mga abugado!
KONSEHAL: Wala tayong magagawa, Misis. (Bahagyang tatawa) Ganyang talaga.
REGINA: Tusuhan, patalinuhan, pasinungalingan, diyan, diyan, kayo magaling!
KONSEHAL: Sa ilalim ng batas, walang kasalanan ang isang tao hangga’t hindi siya napapatunayang nagkasala.
REGINA: Magandang dahilan ninyong mga abugado!
KONSEHAL: Hindi ba kayo naaawa sa kanya? Hindi ba ninyo inaalala ang kanyang kinabukasan? Sa kasalukuya’y hindi pa masyadong bulgar ang nangyari per---
REGINA: Mababando rin na ang anak ng “mayor” ang gumahasa sa kanya!
KONSEHAL: (ngingiti-ngiti): Hindi kayo praktikal, Misis.
REGINA: Anong hindi praktikal?
KONSEHAL: Halimbawa nang napatunayang nagkasala ang anak ni “Mayor”-halimbawa lamang iyan- halimbawa nang napatunayang nagkasala siya, na aywan ko kung kailan, siguro’y tayo na rin mismo ang maiinip – ano naman ang inyong makukuha?
REGINA: Hustisya.
KONSEHAL: Hustisya. (Iiling) Ang tingnan ninyo’y ang panig ng inyong anak. Iyan ang isipin ninyo.
REGINA: (nagpupuyos): Halos labingwalong taon mong pinalaki, inalagaan, kung maaari’y ipakatagu-tago mo, pinakaingat-ingatan mo, at pagkatapos, pagkatapos, nag-aabang lamang ng bus na pauwi galing sa eskwelahan ay bigla na lamang aagawin ng anak ninyo, dadalhin sa motel, sasaktan doon, paglalaruan, pag-aaliwan! Isasakay sa taksi, pauuwiin, halos hindi makagulapay. At pagkaraan niyan, pagkaraan niyan paparito kayo sa aki’t sasabihin ninyong ako’y maging praktikal!
KONSEHAL: (namamayapa) Nariyan na tayo, Misis, nariyan na tayo.
REGINA: Hindi babaing damputin ang anak ko. Makakaalis na kayo. Hindi ko iuurong ang demanda. Kung sa inyo ang sinasabi ninyong huwes, sasabihin ko sa aming abugadong hilinging malipat sa ibang huwes.
KONSEHAL: (banayad) Hindi rin ganyan lamang iyan, Misis. Saan at kanino ililipat? Dito rin. Ngayon, sino sa mga huwes dito ang kaalyado ni “Mayor”? Kung nakapagme-“mayor” siya ng labingdalawang taon, malamang pang maging labing-anim ---
REGINA: (napapaiyak) Kayo nga ang hari dito.
KONSEHAL: Hindi siya ganoong napakahina para hindi maalis ang sinumang kalaban niyang huwes. Ayaw ko sanang sabihin ito pero alam ninyong pulitiko rin ang nakapaglalagay sa huwes? Sino ngayon ang nakapaghuhuwes nang hindi lumalapit sa pulitiko? Nasaan naman ang mga naging huwes dito na hindi naging kaalyado ni “Mayor”? Iyong isa, nasa Palawan, iyong isa, nasa Mindoro. Dudulog kayo sa itaas? Sino ang nasa itaas? Pulitiko? Ilang boto ang maaring ibigay – sa kanya ni “Mayor”? Makikisama rin sila!
REGINA: Kayong masasamang pulitiko!
KONSEHAL: (nakatawa) Masasamang pulitiko. Ganyan ang buhay ngayon, Misis. May nakita na ba kayong anak ng kongresista na kanilang nagalaw? Anak ng Senador? Anak ng Gobernador? Anak ng- “mayor”?
REGINA: (nagpupuyos) Tama, pumatay man kayo’y hindi kayo nagagalaw!
KONSEHAL: Ay, Misis. “Be practical.”
ALKALDE: (dudukot sa bulsa ng polosert at may ilalabas na sobre) Alam kong malaking perwisyo ang nagawa ng aking anak sa inyo – ibig kong
( ilalagay sa mesita ang sobre) tanggapin ninyo ang kahit kaunting tulong na ito –
KONSEHAL: “ That check is for ten thousand. Pay to cash. Be practical.”
REGINA: (sasampalin ang alkalde) Akala ba ninyo’y mabibili ninyo’y mabibili ninyo ako? Layas! Layas! ( Nababaghang tatayo ang alkalde at konsehal. Dadamputin ng konsehal ang sobre. Lalapit sina Tony).
ALKALDE: (hindi makapaniwala, nakangiti ngunit ngani-nganing sampalin si Regina) Sa buong buhay ko, Konsehal, ngayon pa lang ako nasampal. Pero hindi bale. (kay Regina) Dinadaan ko kayo sa pakiusapan pero gusto ninyong magkademonyuhan. Pasensiyahan tayo. Ituloy ninyo! (Lalabas ang dalawa, ang alkalde’y nagmumura. Sa labas, maririnig ang pagsibad ng kanilang sasakyan. Mapapaupo si Regina. Nakatayo sa harap niya si Tony, nakaupo at nakamasid si Ben).
REGINA: (humihingal) Akala ng mga taong iya’y sila ang batas.
TONY: (galit ngunit matimpi) Sa kasalukuya’y sila nga, Inay.
REGINA: (nanginginig) Lalabas din ang katotohanan at mananaig ang katarungan!
TONY: Iyan ang itinuturo ninyo sa “Government”.
REGINA: Mananaig din ang katarungan.
TONY: Kay gandang sabihin! “Justicia” o justicia poetica”? Hustisyang talaga o hustisyang Diyos-ko-bahala ka na?
REGINA: Kailangang maputol ang ganito!
TONY: (malakas) Paano?
REGINA: (parang giniginaw) Nanginginig ako. (Sa itaas, maririnig ang mga pagtawag ni Aida at ang pag-aalo ni Ana. Papanhik si Ben).
REGINA: Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nabibilanggo!
TONY: (kinukuyom ang palad) Tatlo lamang ang nagkakaroon ng hustisya dito sa atin. Iyong malalakas, iyong makapangyarihan, iyong mayayaman. Kung simple kang tao, mahina ka. Kung mahirap ka, lolokohin ka, tatakutin ka, pasensiya ka, magtiis ka. Kadalasang nagkakasama-sama pa iyan: lakas, kapangyarihan, yaman.
REGINA: (tutop ang mukha) Walang kuwenta sa akin magkaubus-ubos man ang ating kabuhayan!
TONY: (patuya) Sasayangin ninyo ang minana ninyo’t pinaghirap-hirapang ipundar. Sa paningin ng ating batas, hindi magkakapantay ang lahat! Ang demanda ninyo, sapagka’t ang idinemanda ninyo’y malakas, ay mananatiling demanda lamang.
REGINA: Susulat ako sa magasin, susulat ako sa lahat ng diyaryo. Isusulat ko ang lahat at natitiyak kong tulungan nila ako, pakikinggan nila ako!
TONY: (parang hindi siya pinapakinggan) Ang demanda ninyo’y kamukha lamang ng kung kayo’y nasusukol sa binggit ng bangin at malaki pa ang agwat ng kabilang pampang na kailangan ninyong talunin. Alam ninyong sa pagtalon ay hindi ninyo maaabot ang kabilang pampang, pero pipiliti’t pipilitin din ninyong tumalon. Tatalon kahit alam na alam ninyong kayo’y mahuhulog. Bakit pa kayo magdedemanda?
REGINA: Sasabihin ko sa kanila ang lahat. Pakikinggan nila ako, Tony. Kapag nalaman nila ang lahat- Tony, ito na ang pagkakataon natin sa hustisya!
TONY: Hustisya!
REGINA: (nabuhayan ng loob) Tingnan mo, Tony. Palagay ko nga’y ako at si Aida ay sadyang pinili ng Diyos para rito. Makinig ka: kung sa anak ng mahirap na iskwater niya ginawa iyon, tatahimik na lamang sila. Lulunukin na nila ang kanilang dignidad at siguro'y kanila pang tatanggapin ang pera. Ngayon, kung sa anak-mayaman naman niya ginawa iyon, magdadalawang-isip ang magulang, mahihiya silang mabulgar ang nangyari. Hindi nila iibiging masira ang kanilang reputasyon! Tatahimik din sila.Nagkamali sila, Tony, nagkamali sila. Lalaban ako, lalaban ako!
TONY: Ang ipanlaban ninyo sa napakalaking bato’y ang inyong mga kuko!
REGINA: Kay laki ng ipinagbago mo, Tony. Paano ang ibig mong mangyari? Huwag nang lumaban, iurong na ang demanda?
TONY: Mula nang mapatay ang si Itay-sinasabi nating nabaril, para siguro mabawas-bawasan ang lagim, pero ang totoo’y pinatay siya-sinimulan ko nang isipin kung ano ang batas na nararapat dito sa atin,, kung sino ang dapat magpatupad niyon kung ano ang hakbang na nararapat nating gawin. At sa lahat ng libro’y sa Bibliya ko pa nakita ang sagot. Naglalakad ako minsan –pagkaraan ng nangyari kay Aida- nang maalala ko ang sinabi ng ama ni Itay, noong araw na iyon ng libing. “ Kapag buhay ang inutang, buhay din ang magiging kabayaran, na para bangmay sisingil para sa kanya.- o para sa atin- ang inutang na buhay ni Itay. Naisip ko, ito’y hindi isang pamahiin, hindi isang kasabihan- ito’y isang simpleng batas, isang kautusan o kahatulang inihabilin ng Diyos kay Moses sa itaas ng bundok sa gitna ng kulog, ng kidlat, ng usok at ingay ng pakakak. Sapagka’t hindi ba sinabi sa Exodus na “buhay sa buhay”. Ito bang nangyari kay Aida’y masahol pa ang pagkamatay?Ngayon, ito ang mga kahatulang nararapat nating sundin: “mata sa mata, ngipin sa ngipin… apoy sa apoy , sugat sa sugat, latay sa latay”. Ito ang aking gagawin: gaganti ako: ako ang gaganti sa kanya.
REGINA: Gaganting paano?
TONY: Papatayin ko siya.
REGINA: (manghihilakbot) Tony!
TONY: May isa pa kayong hindi nalalaman, Inay. Diyan sa abangan ng sasakyan minsan, nang ako’y papuntang eskwela, isinakay ako sa “jeep” ng dalawang bataan ni “Mayor”. “Jeep” iyon ng mga pulis, at ang nagsakay sa akin ay parehong pulis. Nagpaikut-ikot kami, nasa gitna nila ako.Sabi nila’y itigil daw ninyo ang kaso, o ---
REGINA: Mga banta! banta!
TONY: Isa iyan sa pinakakaraniwan nilang ginagawa- hindi lamang sila ang gumagawa niyan. Pero ang kinatatakutan ko’y ang kalalabasan ng inyong demanda – ng inyong paniniwala sa hustisya.
Regina: Kung hindi pa ako maniniwala’y ano pa ang aking mahihintay?
TONY: May kuwento tungkol kay San Agustin tungkol sa paniniwala.Naglalakad daw si San Agustin sa tabing-dagat at tinutuklas ang misteryo ng Divina Trinidad. Habang nag-iisip at naglalakad, mayroon daw narinig si San Agustin na parang hanging nagbulong sa kanya: “Agustin, ang ginagawa mong pagtuklas sa misteryong iyan ay kasing-hirap ng pagsalok mo ng tubig sa buong dagat sa iyong palad. Pananalig, paniniwala, iyan ang kailangan mo”. Ang hustisya ba rito sa ati’y isang misteryo? Alam nating lahat na ito’y hindi hustisya, at alam natin kung bakit ito hindi ganito. Wala naman tayong misteryong dapat tuklasi’y kung bakit nananalig at naniniwala pa tayo!
REGINA: Lawakan mo ang iyong pagtingin, Tony. Ang ikinagagalit mo’y dahil lamang sa mga personal na karaingan.
TONY: Lawakan! Ang kay Itay ay isa lamang sa matagal at laganap nang kawalang- katarungan!
REGINA: Darating ang hustisya, Tony.
TONY: Kailan? Gaano katagal? Sa anong paraan? Ang paghihintay nati’y makakatulad lamang ng ginawa nating paghihintay sa kaso ni Itay. Ano ang nangyari sa kaso niya? (Mapapayuko si Regina).Natatandaan ko pa, disisais anyos ako, nasa Gagalangin tayo.Naghahapunan tayo. May tumawag kay Itay. Alam natin na mula nang madiskubre niya ang di paglilista ng trak-trak na tabakong inilalabas sa bodega ay pinagbantaan na siya, daang libong piso ang halaga ng mga ipinupuslit. Pero matapang si Itay, hindi siya napatakot. At nang gabi, ngang iyo’y lumabas siya kumpiyansa, matapang –ni hindi isinukbit ang saliri niyang baril. Nag-usap sila sa labas at nang nagkakainitan na’y napalabas tayo. At narinig natin ang mga putok, bagsak si Itay, takbo sa nakaparada nilang “jeep”ang tatlo. Nakuha ko ang numero ng “jeep” at natunton ang mga nagsigamit niyon. Nadiyaryo tayo, kung ilang araw tayong nasa peryodiko.Umasa tayong mahuhuli at makukulong ang mga nagsibaril kay Itay - hanggang sa pumasok ang isang pulitiko. Ano paang nangyari pagkaraan niyon? Unti-unti na silang nawalan ng interes sa kaso, hindi ba naging pursigido ang nagiimbestigang pulis. “Third year high school” ako noon, at sa kauna-unahang pagkakataon, naisip kong ang hustisya pala’y ganito. Hanggang ngayo,y nasa akin pa ang “clippings” ng mga diyaryo noon, itinatago ko. Duguan ang retratong kuha ni Itay.
REGINA: Nakaraan na iyon, Tony.
TONY: Hindi pa ba kayo nadadala? Hanggang ngayon ba’y naniniwala pa kayo?
REGINA: Ano ang silbi ng aking itinuturo kung hindi ako maniniwala? Kaya kong magretiro anumang araw ngayon pero nagtuturo pa rin ako – siguro’y sa nais kong makatulong sa paglikha ng mabubuting mamamayan. Ituturo mo sa kanila ang katarungan ngunit ikaw na mismo ang hindi naniniwala rito. Bubuo ka ng mahuhusay na mamamayan nguni’t ikaw mismo ay hindi modelong mamamayan. Naniniwala ako, Tony. At maghihintay ako.
TONY: Mahuhulog kayo sa pampang! (Mula sa itaas, bababa si Ana. Nasa mukha niya ang kawalang malamang gawin).
ANA: (sa hagdan pa lamang): Ninenerbiyos na naman si Aida, Regina.Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili na ba ng gamot?
REGINA: (maaalala): Ang gamot nga pala. Sino ang bibili?
ANA: Akala ko ba’y si Tony?
(Iiling-iling na papanhik si Tony).
REGINA: Hindi ba puwedeng ipagpabukas na ang pagbili? Ano’ng oras na ba?
ANA: Mag-aalas-onse na siguro. Mayroon namang botika riyang hindi nagsasara. Kailangan ni Aida, Regina. Hindi siya mapapahinga kapag hindi nakainom. Maaring makasama pa sa kanya. Sa linggo kamo’y pupunta rito ang doktor.
REGINA: Gabi na, Ana.
ANA: (nagpapaubaya): Nasa iyo iyan, Regina. Pero si Aida- (Mananaog si Tony). Eto na si Tony.
TONY: (patungo sa pinto) Lalakad na ako.
ANA: Alam mo ang pupuntahan mong botika?
REGINA: Magtaksi ka na.
ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.
REGINA: (pagkalabas ni Tony, parang gaping-gapi) Kinakabahan ako, Ana.
ANA: Sa pagkakapunta rito ni “Mayor”? intindihin mo iyon?
REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon. Ang mga pinagsasabi niya! (Mapapakumpas lamang si Ana. Mananaog si Ben).
BEN: Umalis na ang kuya?
REGINA: Oo. Bakit?
BEN: (parang takot) May dala siyang baril.
REGINA: Baril?
BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa ilalim ng kama niya kinuha.
REGINA: (hindi makapaniwala) Saan kukuha ng baril iyon?
BEN: Baril, Inay? Kitang-kita ko.
REGINA: (sasapuhin ang mukha) Diyos ko, ano kaya ang kanyang gagawin?
(Tatayo nguni’t tutop ang ulong mapapaupo). Sundan mo kaya,Ben. Sundan mo kaya, Ana. (Lalabas si Ben).
ANA: Siguro naglalalabas ng gabi iyan.
REGINA: Anong ginagawa?
BEN: Hinahanap ang anak ng”mayor”. Hindi ko na siya nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya maging “scholar” sa susunod na semestre.
REGINA: (galit) Nalalaman mo pala’y hindi mo sinasabi?
BEN: Kung isasama ako ng kuya’y sasama ako.
ReGINA: Ang aking mga anak! Ang aking mga anak! (Sandaling mananatili si Ben sa harap ng Ina, naaawang nakatingin dito, tila nagsisisi sa sinabi. Pagkaraa’y malungkot siyang papanhik. Papatayin ni Ana ang ilaw sa komedor).
ANA: (papalapit kay Regina) Hindi mo sila masisisi, Regina, lalo pa nga’t pagkaraang marinig ang pinagsanib ng alkalde at ng konsehal. Ang hustisya’y hustisya lamang, kung madali itong naibibigay at naibibigay nang pantay-pantay. Papanhik na ako. (Sa hagdan) Pumanhik ka na rin. Iwan mo nang bukas iyang ilaw. (Aakyat ng ilang baitang) Halina, Regina. Matulog ka na, ikaw nga ang pagod. (Tutuloy nang umakyat si Ana. Sa itaas, maririnig ang bilin niya, “Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo”).
(Mananatiling nakaupo sa sala si Regina, nababaghan, hindi makapaniwala. Pagkuwa’y kikilos siya, tatayo, maglakad-lakad, nakayuko at magkadaop ang palad. Mauupo siyang muli pagkaraan. Sa kanyang harap, pagkaraan ng ilang saglit makikita niya si Tony).
TINIG NI TONY: Walang mangyayari sa demanda niyo, Inay.
(Mag-aangat ng mukha si Regina).
Alam ko na ang aking gagawin. Gaganti ako. Papatayin ko siya.
REGINA: (Nagugulumihan) Tony!
TABING
(Sa pagbubukas ng tabing, makikitang nakaupo si Regina, nakapikit, naiidlip, ang isang kamay ay nasa katangan ng upuan at nakasapo sa noo, ang isa’y nasa kanyang kandungan. Sa labas, maririnig ang manaka-nakang pagdaraan ng taksi. Sa labas din, maririnig ang pahagok na ingay ng trak na nangongolekta ng basura at ang pagkala-kalantog ng mga inihahagis na lalagyan ng sukal).
(Mula sa itaas ay bababa si Aida, nakaputing damit-pantulog, nakalugay ang buhok at nakatapak. Nakikita niya ng naiidlip na Ina nguni’t hindi ito gigisingin. Tutuloy siya sa komedor, bubuksan ang ilaw at may hahanapin sa kabinet. Matatabing niya ang isang bote ng gamot at ito’y mababasag. Magigising si Regina).
REGINA: (parang naalimpungatan): Sino iyan? (Lalabas, makikita si Aida na nakadukdok sa mesa)
Aida!
AIDA: (mahina) Ang gamot, Inay?
REGINA: (maaalala) Si Tony? Wala pa?
AIDA: Bakit pa?
REGINA: Bumili ng gamot. Anong oras na ba?
AIDA: Pasado alas-dos na po siguro.
REGINA: (kinabahan) Umaga na. Saan kaya nagsuot ang Antoniong ito? (Mauupo, gulo ang mukha) Sinabi namang agahan at kailangan –
AIDA: May nabasag po akong bote.
(Walang kibong kukunin ni Regina ang walis na tambo at “dustpan” at dadakutin ang basag na bote. Patingkayad siyang mauupo at pupulutin ang ilang bubog).
AIDA: Hindi ako makatulog, Inay.
REGINA: (inililigpit ang dinampot) Gusto mo ng --- gatas?
AIDA: (tatango, nanlalambot na nakatingin sa lumapit na ina) May dugo kayo, Inay.
REGINA: (pagulat) Saan?
AIDA: Hayan.
REGINA: (titingnan ang damit, ang mga kamay) Saan?
AIDA: O, akala ko’y may dugo sa inyong palad.
REGINA: (ikakaskas ang kanang palad sa damit) Wala.
AIDA: Akala ko’y mayroon.
REGINA: (naguguluhan) Ano ba ang gagawin ko? A, gatas. Gatas nga pala.
(Pupunta sa may kabinet, kukuha ng termos, sa reprihedora, kukuha ng gatas).
AIDA: (nakadukdok pa rin sa mesa, nakatingin sa dingding) Lagi kong naiisip ang luma nating bahay, Inay.
REGINA: (dala ang gatas) Ano ‘ka mo?
AIDA: Ang ating lumang bahay, lagi kong naiisip ‘ka ko.
REGINA: Bakit?
AIDA: (nakasandal na ngayon, bahagyang tatango) Aywan. Basta lagi ko lang naiisip. Parang gusto ko pang naroon tayo. Parang natatakot ako dito.
REGINA: (nakatingin sa palad) Bakit ka naman matatakot dito?
AIDA: Sabi niya’y huwag raw tayong magsusumbong. Hindi ako natatakot kung ako. Pero baka kayo o si Ben- o si Kuya. Buti pa ako. Kung anu-ano ang naiisip ko, Inay. At kasa-kasama ng aking napapanaginip. Naparito raw siya at ang kanyang mga kasama. Marami silang mga dalang baril. Nasa eskuwela kayo, may pinuntahan si Tiya Ana at pumasok si Ben. Kami lang dalawa ni Kuya ang naiwan. Nakakatakot, Inay. Pinaupo nila sa mesa si Kuya, nakapaligid sila at siya’y may inaabot na bote ng lason kay Kuya. Inumin mo sabi sabi niya kay Kuya. Inumin mo! At binunot niya ang baril at itinutok kay Kuya. Sinabi ko na sa iyong huwag magsusumbong, nagsumbong ka pa rin, sabi niya niya kay Kuya. Kaya inumin mo ito- iniaandot niya ang bote ng lason- inumin mo! At-atnagmamakaawa ako sa kanya. Pasensiya na kayo, sabi ko, pasensiya na kayo sa kapaatid ko. Anong pase-pasensiya, sabi niya, nagsumbong siya. Inumin mo! At ininom ni Kuya ang lason. Inay.
REGINA: (aaluin ang anak) Iyang gatas, Aida. Huwag mong isipin iyan.
AIDA: (ibaba ang baso) Kay bait pa naman ni Kuya kung sa kanya gagawin iyon.
REGINA: Hindi nila gagawin iyon. Hindi nila aanuhin ang kuya mo.
AIDA: Huwag naman sana nilang sasaktan, ano, Inay?
REGINA: Oo, hindi nila sasaktan.
AIDA: (nagpapahid ng labi) Ang bait-bait pa naman ni Kuya.
REGINA: Mahal na mahal ka nga niya.
AIDA: (malumanay na): Noon, noon naisip ko, kung - kung pipili ako ng mapapangasawa, ang pipiliin ko’y kamukha niya. Mabait siya at mapag-alala. Aywan ko, pagkaraan si Itay siya na ang para kong naging ama. Hindi ba’t parang siya naman talaga, ha Inay?
REGINA: (balisa) Oo. (Mapapatingin sa may pinto, mahina) Saan kaya nagputa itong Toning ito?
AIDA: Anong sinasabi ni Kuya tungkol sa nangyari?
REGINA: (parang mabibigla) Wala, wala namang sinasabi.
AIDA: (mangingiti) Kung pumapasok siya sa kuwarto at kinakausap ako, nahuhuli kong tinitingnan niya akong mabuti. Medyo nalalaglag pa ang salamin sa kanyang ilong. Ang lalim niyang tumingin! Sabi lang ni Tiya Ana’y pangit ang nakakunot-noo, pero sa tingin ko, bagay pa nga kay Kuya. (Uubusin ang laman ng baso).
REGINA: Siya, siya panhik ka na.
AIDA: (kikilos) Kayo?
REGINA: Hihintayin ko siya. Ano na kayang oras?
AIDA: Umaga na.
REGINA: Umaga na?
(Papanhik si Aida. Maiiwan sa komedor si Regina, may nakalaylay ngayong mga hibla ng buhok sa noo. Nakatayo siya, wala na ang antok, parang namamalik-matang nakatingin sa pinto.
(Isang taksi ang pasagadsad na hihinto sa kanilang tapat. Mapapasugod si Regina sa pinto. Kakalapag ang pinto ng taksi. Iingit ang pintong bakal. Lalabas si Regina.)
REGINA: (sa labas) Tony! Ano’ng nangyari sa iyo?
(papasok sila, halos yakap ni Regina si Tony na sapo ang duguang kaliwang balikat. Mapapaupo si Tony sa sala, hawak ni Regina).
AIDA: (Makakaramdam sa itaas): Kuya?
REGINA: Ano’ng nangyari sa iyo?
(Sesenyasan siya ni Tony na huwag maging maingay).
TONY: Aalis tayo rito, Inay. Dali! Gigisingin ninyo sina Ben.
AIDA: (sa itaas, pakalabog na babangon at manggigising) Tiya Ana! Ben! Ben!
TONY: Sa Nueva’y ‘cija, sa mga kamag-anak na magsasaka ni Itay. Sa Tarlac, sa Pampanga, sa bundok.
REGINA: (matatag) Hindi, Tony. Hindi tayo aalis. Susuko ka.
TONY: Inay!
REGINA: (kakapkapin kay Tony ang baril) Bigay mo sa akin ang baril.
TONY: (pipigilin ang kamay ng ina) Kailangan ko ito, Inay. Tiyak nila akong papatayin. Madali silang makagagawa ng dahilan.
REGINA: (aagawin ang baril at ipapaloob ang baywang ng damit niyang pambahay) Susuko ka, Tony.
TONY: (tumututol) Inay, Inay---
REGINA: Ibang krimen kaysa nangyari kay Aida.
TONY: (magugulat) At ako’y kriminal?
REGINA: Pinatay mo siya.
TONY: “Huwag ninyong sasaktan ang sinumang balo o ulila sa amang bata,”habilin ng Diyos kay Moses. “ Kapag sila’y inyong sinaktan sa anupamang paraan at silang lahat ay tumawag sa akin, ang panawagan nila’y tiyak kong diringgin. At ang poot ko’ymaglalatang, at kayo’y papatayin ko sa tabak.” Naglalatang ang poot ng Diyos sa masasamang kamay na umagaw at humahawak ngayon ng kanyang tabak! Sasabihin ninyong ako’y kriminal? Saan paano kanino ako hihingi, hahanap at makapagtatamo ng katarungan? Sino ang magbibigay? Inay, ang kidlat ng Diyos ay ihahagis ng kamay ng naaapi at ang tabak ng hustisya ay itataga sa lipunan ng mga pinagkakaitan ng katarungan.
(Maliban sa panginginig at abut-abot na paghingal ni Aida ay matahimik silang lahat. Sa labas, maririnig na ang mga sirenang papalapit).
TONY: Nariyan na sila!( Tatayo, magpapalinga-linga).
REGINA: (nakasunod) Susuko ka, Tony.
(May sisigaw sa labas ng “Calderon, napapaligiran ka na namin. Sumuko ka”.)
REGINA: (kay Ben) Buksan mo ang pinto, Ben.
(Bubuksan ni Ben ang pinto) Maayos siyang susuko. Halikayo, narito siya.
(Bunot ang mga baril, papasok ang mga pulis, karamiha’y nakauniporme, ang ila’y nakasibilyan at may mga taling panyo sa ulo).
Hayan siya. (ituturo si Tony na nakatayo sa may komedor).
(Papasok ang alkalde, bunot ang baril. Itututok nito ang baril kay Tony nguni’t matatabig ni Regina. Sa dingding tatama ang bala).
REGINA: Maayos siyang susuko,”Mayor”. Hayan, nariyan ang aking anak, arestuhin ninyo.
(Pagtutulung-tulongan ng mga pulis si Tony. Malakas na mapapatili si Aida.Pagkabaliti kay Tony, may kakadyot dito, may sisipa, may papalo, may dadagok. Mapapaluhod si Tony, at makalawang makapagpapaputok si Regina bago maagaw ng isang pulis ang kanyang baril. Babagsak si Tony).
ALKALDE: Bakit mo binaril?
REGINA: (hawak nang dalawang pulis): Kapag sinaktan ng ibang bata ang ating anak, at tayo’y walang magawa sa nanakit sa kanya, di ba ibinubuhos natin ang parusa sa ating anak? Ang sabi ninyo’y aarestuhin ninyo ang aking anak ano ang inyong ginagawa?
PULIS1: Inaaresto!
REGINA: Inaaresto!
PULIS II: Dadalhin namin sa presinto!
REGINA: Dito pa lamang ay pinapatay na ninyo!
PULIS III: Kalokohan!
PULIS I: Paano’y nanlalaban!
REGINA: Nanlalaban!
PULIS II: “Resisting arrest!” Ha-ha-ha!
PULIS: Nagtatangkang tumakas!
REGINA: O! O!
ALKALDE: Pinatay niya ang aking anak!
REGINA: Kayo ang batas kapag inyong anak!
PULIS I: Dadalhin namin sa husgado!
REGINA: Husgado, anong husgado?
PULIS II: Bakit ba marunong ka pa sa husgado?
PULIS III: Sa hustisya!
REGINA: Hustisya! Hustisya! Alam ba ninyo ang kahulugan ng hustisya? Kayo, “Mayor” alam ba ninyo ang kahulugan niyan?
(Ubus-lakas siyang sasampalin ng alkalde at siya’y babagsak. Mapapayakap sa kanya si Ben).
PULIS I: Posasan iyan.
PULIS II: Masyadong makatuwiran!
REGINA: (umiiling) Hindi ninyo nalalaman, “Mayor”, ang kahulugan niyan. Hindi ninyo nalalaman. (Malakas) Kayo, lahat kayo, hindi ninyo nalalaman ang kahulugan niyan!
PULIS III: Binaril mo ang sarili mong anak!
PULIS I: “Parricide!”
ALKALDE: Pananagutan mo ito.
REGINA: Pananagutan mo ito.
PULIS II: (hihiklatin si Ben kay Regina): Halina! Halina!
Sa presinto!
PULIS III: Sa presinto!
PULIS I: Doon ka makipagdebate.
ALKALDE: Dalhin ninyo!
REGINA: (napoposasang ilalabas): O, dalhin ninyo ako kahit saan. Sa presinto, sa korte, sa husgado, kahit saan! Dalhin ninyo ako kahit saan. Pananagutan ko ang pagkamatay ng aking anak. Ako ang pumatay sa aking anak!
(Papalakas) Pinatay ko ang aking anak! Sasabihin ko sa lahat na pinatay ko ang sarili kong anak. Pinatay ko ang aking anak!
(Lalabas sila. Maiiwan sina Ana, Ben, at Aida. Kapuwa nakatingin sa bukas na pinto sina Ben at Ana, sinusundan ng tingin ang mga nagsilabas. Nakalupasay sa isang tabi si Aida at umiiyak. Nasa kanyang kinabagsakan si Tony).